Advertisers

Advertisers

Grab, MOVE IT, naglunsad ng agarang ayuda para sa drivers at riders sa gitna ng patuloy na pagtaas ng langis

0 58

Advertisers

Naglunsad ng agarang support program ang ride-hailing at delivery platforms na Grab Philippines at MOVE IT para matulungan ang kanilang driver-, delivery-, at rider-partners na makayanan ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.

Layunin ng programa ng Grab at MOVE IT na maprotektahan ang kita at kabuhayan ng kanilang libu-libong partner-drivers/riders sa buong bansa habang pinananatili ang maaasahang serbisyo para sa mga pasahero at kustomer.

Ang hakbang ng dalawang kumpanya ay kasunod ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa world market, na dulot ng tensiyon sa Middle East at mga pagkaantala sa global supply. Dahil dito, mabilis na tumaas ang gastos ng mga driver at rider na araw-araw na umaasa sa kanilang sasakyan o motorsiklo upang kumita.



Ipinaliwanag ni Grab Philippines Managing Director Ronald Roda na importanteng matiyak na patuloy na kikita nang sapat ang mga driver habang nagpapatuloy ang paggalaw sa presyo ng langis.

“Ang pangunahing prayoridad namin ay masiguro na patuloy na kikita nang sapat ang aming mga driver para sa kanilang pamilya, habang pinananatiling maaasahan ang serbisyo para sa mga pasahero,” ani Roda.



Nakabase ang programa sa tatlong pangunahing hakbang na kinabibilangan ng fuel cost relief, earnings protection, at pakikipag-ugnayan sa pamahalaan.

Sa ilalim ng fuel relief program, maaaring makakuha ng diskuwento na hanggang P4 kada litro sa mga partner fuel station tulad ng Seaoil, Caltex, at Blu Energy ang driver-partners. Mayroon ding P3 kada litro na rebate para sa halos 20,000 kuwalipikadong driver at rider na gumagamit ng Shell Fuel Card sa pamamagitan ng Grab Finance.



Samantala, nagpatupad din ang Grab ng mga insentibo upang maprotektahan ang kita ng kanilang partners. Kabilang dito ang commission rebates at real-time cashback para sa GrabCar drivers, habang ang GrabFood delivery-partners naman ay makatatanggap ng P3 Spot Bonus sa bawat delivery.

Para naman sa motorcycle taxi riders, inilunsad ng MOVE IT ang Power Pasada, isang fuel resilience program na may fuel allowances at karagdagang insentibo sa peak hours.

Nakikipag-ugnayan din ang dalawang platform sa pamahalaan hinggil sa fuel subsidy program para sa transport workers, kung saan kabilang ang mga TNVS professional sa mga maaaring makatanggap ng P5,000 fuel subsidy mula sa gobyerno.

Suportado ng komunidad ng motorcycle taxi community ang naging pagtugon ng MOVE IT sa nangyayaring krisis sa kanilang hanay.

“Mahalaga na nagtutulungan ang buong transport ecosystem para matiyak na hindi lang makaka-survive ang mga driver sa panahong ito, kundi patuloy rin silang may disenteng kita at suporta para sa kanilang kabuhayan,” ani Romeo Maglunsod, chairman ng Motorcycle Taxi Community Philippines.

Ayon pa sa Grab at MOVE IT, patuloy nilang babantayan ang galaw ng global oil market at handa silang magdagdag ng suporta kung kinakailangan upang mapanatiling matatag ang kabuhayan ng kanilang driver/rider-partners.