Advertisers
INIHAYAG ng Department of Migrant Workers (DMW) na sasailalim sa quarantine sa Rotterdam, Netherlands ang 38 Pilipinong seafarers na sakay ng cruise ship na MV Hondius na tinamaan ng hantavirus bago tuluyang maiuwi sa Pilipinas.
Kinumpirma ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, apat na tripulante na ang inilipad patungong Netherlands nitong Linggo, Mayo 10, habang 20 pa ang susunod.
Ang natitirang 14 na deck at engine crew ay sasama sa barko patungong Rotterdam.
Sinabi naman ni Health Secretary Ted Herbosa na 42 araw ang quarantine protocol at sasailalim muna sa testing ang mga Pilipinong crew bago payagang makauwi.
Sa ngayon ayon sa kalihim, nasa mabuting kalagayan ang mga Pilipinong crew, na nagnegatibo sa virus.
Tiniyak din ng DMW na mananatiling aktibo ang kontrata ng mga seafarer at patuloy silang makatatanggap ng sahod habang naka-quarantine, habang sasagutin ng may-ari ng barko ang lahat ng gastusin sa Netherlands.
Matatandaan, tatlo na ang nasawi sa outbreak ng hantavirus sa barko, kabilang ang mag-asawang Dutch at isang German national.
Ayon sa health officials, mababa naman ang panganib nito sa pandaigdigang kalusugan at hindi ito maihahambing sa COVID-19 pandemic.
Batay sa epidemiology bureau ng Department of Health (DOH), kinumpirma ni Herbosa na hindi pa nakapagtatala ang Pilipinas ng kaso ng hantavirus.
Pinawi rin ng kalihim ang pangamba na magkaroon ng panibagong COVID-19 pandemic sa gitna ng napaulat na kaso ng hantavirus.