Advertisers

Advertisers

Umuusbong mahusay na lider… SANDRO MARCOS: GAWA ANG SUKATAN ‘DI APELYIDO

0 8

Advertisers

SINABI ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union na may mga umuusbong na mahusay na lider sa bansa tulad ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, kahit pa nagmula sila sa mga pamilyang matagal nang nasa politika.

Sa ginanap na Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Ortega na dapat ang mga halal na opisyal husgahan hindi lamang batay sa kanilang apelyido kundi higit sa lahat sa kanilang pagganap sa tungkulin.

“Dapat may metrics na kasama, base sa pamumuno at kabuuang pamamahala. Maganda kung may numero at resulta, hindi lamang opinyon,” aniya.

Binanggit niya bilang halimbawa ng mga batang lider sina Pasig Mayor Vico Sotto, si Sandro Marcos, at ang pamilyang Belmonte ng Quezon City.

“Nandiyan si Vico Sotto, nandiyan si Sandro Marcos, nandiyan ang mga Belmonte,” dagdag niya.

Ayon kay Ortega, hindi alam ng marami kung gaano kaseryoso ni Marcos ang kanyang tungkulin bilang Majority Leader. Aniya, ni minsan hindi lumiban si Marcos sa mga sesyon ng Kamara.

Sa katunayan, sinabi niyang si Marcos ang isa sa mga unang dumadating sa session hall at huling umaalis matapos ang mga pagdinig at deliberasyon.

“Hindi alam ng karamihan na ang aming Majority Leader ay hindi nag-a-absent. Anuman ang sabihin o ibato sa kanya ng mga kritiko, hindi siya lumiliban. Siya ang unang dumarating at siya rin ang huling umaalis,” diin ni Ortega.

Binanggit din niya na mayroon nang mga pag-aaral tungkol sa epekto ng mga political dynasty sa mga lugar na kanilang pinamumunuan, at may ilan nagpapakita ng matagumpay na pamamahala.

Ayon pa kay Ortega, nagkaroon na ng negatibong kahulugan sa publiko ang terminong “political dynasty.”

“Kapag dynasty kasi, agad itong nagkakaroon ng negatibong konotasyon,” paliwanag niya.

Iginiit niya na mahalagang mahubog at mahikayat ang susunod na henerasyon ng mga lider ng bansa, maging sila man ay mula sa mga kilalang pamilyang politikal o mga bagong mukha sa larangan ng pulitika.

“Kailangan nating paunlarin, hikayatin at bigyang-inspirasyon ang susunod na henerasyon ng mga lider. Kilala man o hindi ang kanilang apelyido, ang mahalaga ay nakikita ng taumbayan ang kanilang kakayahan at husay sa pamumuno,” ani Ortega.

Sa unang bahagi ng forum, ipinagtanggol din ng mambabatas mula La Union ang pagpasa ng Kamara sa bersyon ng panukalang batas laban sa political dynasty na binatikos ng ilan bilang “pinahinang” bersyon.

Ayon sa kanya, ito ang pinakapraktikal at katanggap-tanggap na bersyon para sa karamihan ng mga mambabatas. Aniya, isa itong mahalaga at kinakailangang unang hakbang na nagawa ng ika-20 Kongreso—isang hakbang na hindi naisakatuparan ng mga nakaraang Kongreso.