Advertisers
HINILING ng House prosecution panel sa Senado na nagsisilbing Impeachment Court na maglabas ng subpoena laban kay Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Z. Duterte, upang pilitin itong humarap bilang testigo sa impeachment trial.
Ayon sa prosekusyon, ang testimonya ni Lopez ay “material, relevant and necessary” o mahalaga, may kaugnayan at kinakailangan upang mapatunayan ang Article IV ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa alegasyong nagbitiw si VP Sara ng matitinding pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa kahilingang subpoena ad testificandum na inihain nitong Martes, sinabi ng mga prosecutor na mahalaga rin ang testimonya ni Lopez upang matukoy at mapatunayan ang pagiging tunay ng mga dokumento at iba pang ebidensyang ihaharap sa impeachment court.
Hiniling din nilang atasan si Lopez na humarap sa mga pagdinig na nakatakda sa Hulyo 13, 14 at 15.
Dahil dito, isa sa pinakamalalapit na aide ng Bise Presidente ang posibleng maging sentro ng presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon kaugnay ng artikulo ng impeachment na may kinalaman sa umano’y grave threats.
Bilang chief of staff ni Duterte, inaasahang magbibigay si Lopez ng testimonya hinggil sa mga pangyayaring nakapalibot sa umano’y pagbabanta at sa mga naganap sa loob ng Office of the Vice President.
Inaasahan ding gagamitin ng prosekusyon ang kanyang salaysay upang maipakita ang konteksto ng mga naging pahayag ni VP Sara at suportahan ang iba pang ebidensya na nagsasabing ang mga ito ay hindi lamang simpleng pahayag sa pulitika kundi maituturing na seryosong pagbabanta.
Ipinakikita rin ng kahilingan para sa subpoena na plano ng prosekusyon na patibayin ang kanilang kaso sa pamamagitan ng mga testigong may direktang kaalaman sa mga pangyayari sa Office of the Vice President, bukod pa sa mga dokumentaryo, digital at testimonial na ebidensya, sa halip na umasa lamang sa mga pampublikong video o recording ng mga pahayag ng Bise Presidente.
Kapag pinagbigyan ng Impeachment Court ang kahilingan, si Lopez ang magiging isa sa pangunahing testigo ng prosekusyon sa pagsisimula ng pagdinig sa Article IV sa susunod na linggo.