Advertisers
INIHAYAG ni Labor Secretary Francis Tolentino na magiging epektibo na ang unang tranche o inisyal na P60 ng P85 na taas-sahod sa Metro Manila sa Hulyo 26, 2026.
Naatras ang implementasyon nito sana sa Linggo, Hulyo 19, dahil naantala ng dalawang araw ang publication date nito bunsod na rin ng masungit na lagay ng panahon, ayon sa kalihim.
Paliwanag pa ng Labor chief na epektibo ang wage order 15 araw matapos ang publication nito sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.
Sa ilalim ng dagdag na sahod, sinabi ni Sec. Tolentino na ang mga sumasahod ng mahigit sa minumin wage ay maaari ring magbenepisyo rito.
Ayon sa kalihim, maaaring i-adjust o taasan ang sahod ng mga empleyadong mahigit sa minimum wage sa pamamagitan ng collective bargaining agreements (CBA), subalit kung wala aniyang CBA, direkta na ang employer na nagtataas ng sahod sa mga empleyado.
Inihalimbawa ni Tolentino ang mga empleyado sa business process outsourcing (BPO) sector na kabilang sa hindi direktang saklaw ng taas sahod. Subalit, mayroon aniyang opsyon ang BPO employers na magtaas ng sahod para ma-retain ang kanilang mga empleyado.
Inaasahan namang iimplementa ang ikalawang tranche o P25 na taas sahod sa Enero 20, 2027.
Samantala, sinabi rin ng kalihim na nagsagawa na ng mga konsultasyon kaugnay ng taas sahod sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila gaya ng Region 4A (Calabarzon), Region 3 (Central Luzon) at Region 7 (Central Visayas).