Advertisers
NAGHAIN ng pormal na reklamo ang ilang negosyante at kapitan ng barangay mula sa Cebu laban sa mga pulis na umano’y may special dealership allocations sa kasa, na nagbenta sa kanila ng milyon-milyong halaga ng brand new na sasakyan sa discounted na presyo.
Ayon sa mga complainant, ang iba sa mga kotseng kanilang binili ay natanggap nila pero nakapangalan sa iba o kaya’y encumbered sa bangko, habang ang iba ay hindi pa nila nakukuha kahit fully paid na.
Dagdag pa rito, anim na pulis ang sangkot sa nasabing modus, ang isa umano rito ay may rangkong Lieutenant, at ang isa ay Lieutenant Colonel.
Ayon sa isa sa mga complainant, may nilakad siya kahapon, July 20, sa Camp Crame nang nilapitan siya ng isa sa mga sangkot na mga pulis at nakikipag-areglo ito sa kaniya kapalit ng buhangin at graba, para sa kanilang family business.
Ang gusto mangyari ng mga complainant ay maibalik ang mga sasakyan at ma-refund ang kanilang ipinambayad.
Samantala, sinabi ni NaPolCom Commissioner Ralph Calinisan na ito ang unang beses na nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng mga pulis na nagbebenta ng kotse, at nangakong paiimbestigahan ito ng ahensya para maibigay ang pinakamabigat na parusa sa mga pulis na sangkot sa modus.