Advertisers

Advertisers

GOLF WITH A PURPOSE! BATANG ECOZONE, LALARO PARA SA MGA MANGGAGAWA

0 4

Advertisers

Magkakaroon ng isang makabuluhang pagtitipon ang mga golf enthusiasts at mga stakeholder ng industriya sa darating na Setyembre 22, 2026 sa pamamagitan ng Batang ECOZONE Golf Tournament 2026, na gaganapin sa Splendido Taal Golf Course sa Laurel, Batangas.
Bitbit ang temang “Sama-Sama Tayo sa Pag-unlad at Tagumpay,” layunin ng torneo na hindi lamang pagsama-samahin ang mga manlalaro ng golf kundi higit sa lahat ay makalikom ng pondo para sa iba’t ibang programang makatutulong sa mga manggagawa at komunidad sa loob at paligid ng mga economic zone.
Bukas ang torneo sa lahat ng golfers sa ilalim ng Individual Play, subali’t nilinaw ng mga organizer na limitado lamang ang mga slot, kaya hinihikayat ang mga nais lumahok na magparehistro sa lalong madaling panahon.
Ang registration fee ay P6,500 bawat manlalaro, na may kasama nang pagkain at refreshments, pagkakataong manalo ng trophies at raffle prizes, at higit sa lahat ay pagkakataong makabuo ng bagong koneksyon sa pamamagitan ng networking at pagpapalalim ng samahan sa pagitan ng mga kalahok mula sa iba’t-ibang sektor.
Ayon sa mga organizer, ang torneo ay higit pa sa isang sports event dahil ang malilikom na pondo ay ilalaan sa mga programang nakatuon sa skills training and development, leadership development, scholarship assistance, welfare programs, at community projects para sa kapakinabangan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya.
Ayon kay Engr. Jerenato “Jerry” Alfante, Pangulo ng Unified Ecozones of the Philippines (Batang Ecozone), ang torneo ay sumasalamin sa tunay na layunin ng organisasyon na pagsamahin ang iba’t- ibang sektor para sa kapakanan ng mga manggagawa at ng komunidad.
“Ang Batang ECOZONE Golf Tournament ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon sa golf. Isa itong pagkakataon upang magkaisa ang ating mga miyembro, partner at stakeholders sa iisang layunin—ang makalikom ng pondo para sa mga programang magpapalakas sa kakayahan, kapakanan at kinabukasan ng ating mga manggagawa. Sa bawat swing, may kaakibat na pag-asa at pag-unlad para sa ating ecozone community,” ani Alfante.
Inaasahan ding magiging daan ang aktibidad upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng mga kumpanya, locators, empleyado, at iba pang katuwang ng mga ecozone sa bansa habang isinusulong ang diwa ng pagkakaisa, malasakit, at responsibilidad sa komunidad.
Sa pamamagitan ng Batang ECOZONE Golf Tournament 2026, umaasa ang mga organizer na maipapakita na ang golf ay hindi lamang isang kompetisyon kundi isa ring mabisang plataporma upang makapagbigay ng tulong, makalikha ng oportunidad, at makapag-ambag sa mas matatag na kinabukasan ng mga manggagawa at ng buong komunidad ng ecozone.
Para sa mga nais lumahok o magtanong tungkol sa torneo, maaaring makipag-ugnayan sa mga organizer sa pamamagitan ng kanilang website, email, o mga contact number na nakasaad sa opisyal na event poster. Ang mensahe ng programa ay malinaw: “Together let’s build a stronger workers and Ecozone community.”