Advertisers
Matingkad ang kahulugan ng pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 27, at hanggang ngayon, mataginting sa pandinig ko ang sinabi niya: “Masakit man, gagawin ko ang tama.”
Anang pangulo, nakahanda na ang Ombudsman sa pagsasampa ng patong-patong na kaso laban sa sariling pinsang buo, dating Speaker Martin Romualdez.
Ano ang naipakikita nito sa sambayanang Pilipino na sumaksi sa kanyang madamdaming talumpati?
Sabi niya, siya ay pangulo, hindi ng kanyang pamilya o kaibigan, “Ako ay pangulo ng mamamayang Pilipino.”
Naipakikita, naipadarama ni Presidente Marcos na lumaktaw na siya sa personal na relasyon – ng matalik na pagkakaibigang personal at ugnayan ng dugo, pagkat sa paninindigan niya, walang kaanak, walang kaibigan sa paghahanap ng pananagutan sa batas at sa bayan.
Para sa Pangulo, ang mensahe ng talumpati niya, walang walang exempted sa hustisya, kahit pinsang buo niya si Martin, masakit man, kailangan niyang gawin na sampahan ito ng mga kaso, pagkat iyon, sa bibig niya ay sinabi: “Iyon ang tama, iyon ang makatwiran at iyon ang hustisya.”
Aniya, kanyang tinunton ang ebidensiya, at ang nakita niya, ang kamay ng katarungan ay nakaturo sa direksiyon ng dating Speaker, at sa pagsasabi na handa na ang pagsasampa ng mga kaso, sa mata ng publiko, iyon ay pagpapakita ng lakas ng loob, ng totoong political will.
Ibig sabihin, handa niyang isakripisyo ang personal na relasyon para sa mas mataas na prinsipyo ng integridad at sa ngalan ng transparency at ng accountability.
Ito, sa paniniwala ko ay may positibong bunga sa madlang bayan: mali ang mga paratang na siya – si PBBM ay “weak president.”
Siya sa mata ng bayan ay ay isang “strong president,”: at ito ay magbibigay ng mataas na tiwala at pag-asa sa mamamayan, si PBBM ay totoong seryoso sa paglaban sa korapsyon.
Kahit pa pinsang buo, kadugo at kaalyado, handa niyang isakripisyo sa altar ng totoong hustisya at pananagutan sa batas at sa bayan.
***
Kilala natin ang Pangulo, siya ay kumikilos laban sa korapsyon sa paraang titiyak sa tamang proseso ng makatarungan sa gawa at hindi lamang sa pedestal ng pansariling politika.
Sa pangakong pananagutin si dating Speaker Romualdez, ipinakikita ng Pangulo ang hangad niyang totoong hustisya at patas na pananagutan sa batas at hustisya.
Isang makabuluhang hakbang ito tungo sa pagpapatibay ng tunay na prinsipyo ng matatag na pamamahala – ito ang gawin ang tama, “kahit masakit pa.”
***
Isa pang matingkad na mensahe niya ang sinabi ni Pangulong Marcos, aniya, hindi siya pangulo ng kanyang pamilya, siya ay pangulo ng mamamayang Pilipino.
Malalim ang kahulugan nito at makaantig damdamin.
Para sa akin, ito ay paghihiwalay niya sa kanyang personal at publikong damdamin, at ipinapakita na ang relasyon at ugnayan ng dugo o ng pamilya ay hindi dapat na ipailalim sa mas mataas na tungkulin at pananagutan niya.
Mas mataas ang responsibilidad niya sa bayan, hindi sa pamilya, lalong hindi sa personal na ugnayang politika at dugo niya sa pinsang si dating Speaker Martin Romualdez.
Para sa akin, malinaw ang mensahe ni Presidente Bongbong Marcos: ang kapangyarihan ng Pangulo ay para sa lahat ng mamamayan, hindi para protektahan ang interes ng iilang kamag-anak.
Patotoo ito ng kanyang integridad, at ipinadama niya, handa siya na isakripisyo ang pansarling damdamin, kahit nga masakit, kailangang mailapat at mailantad ang totoo sa kapangyarihan ng batas at sa hustisya, pantay-pantay ang lahat.
Handa niya hamakin, kahit pa kanyang kadugo, at isa itong hayag na paalaala sa publiko na siya, bilang Pangulo ng Mamamayang Pilipino ay kumikilos nang walang kinikilingan.
Patibay ito, si PBBM ay isang matipuno at malakas na lider at taglay niya ang mataas na kalidad ng tunay na pamumuno.
Ang pagka-Pangulo niya, ay hindi tungkol sa kapangyarihan, kungdi ang tapang at kakayahang unahin, higit sa lahat, ang kapakanan ng sambayanan kaysa sa sariling pamilya o interes.
Handa si PBBM na patibayin ang tiwala ng mamamayan, at handa siyang ipaglaban ang tama, kahit may personal na kapalit.
Sa kanyang mensahe, hindi isang pribilehiyo ang maging Pangulo, kungdi ito ay pananagutang maglingkod nang matapat sa bayan, kahit masaktan pa ang pamilya at sariling interes.
***
Mahalaga ang binanggit niya sa isyu ng alitan sa karagatan ng South China at sa pagmamay-ari natin sa ating teritoryo – ang West Philippine Sea.
Hindi siya papayag, habang siya ang Pangulo sa tangkang pag-agaw ng China sa WPS na pinagtibay na ng Permanent Court of Arbitration na atin nga, atin ngang pag-aari, hindi ng sinomang bansa.
Malinaw ang pagpapatibay ng ating soberanya, batay sa 2016 arbitral ruling na pabor sa ating bansa.
Sa pagsasabi ni PBBM na handa niyang ipaglaban ang WPS at soberanya natin, isinasaasd nito na hindi basta-basta niya isusuko sa panggigipit ng mas makapangyarihang bansa – ang China – ang ating sariling teritoryo.
Sa pahayag niyang ito, para sa akin, ay magbibigay ng matibay na pag-asa sa mamamayang Pilipino, lalo na sa mga mangingisda na araw-araw nakararanas ng panggigipit.
Simbolo ito ng matayog na paninindigan at matatag na proteksiyon at pagkalinga sa kabuuang mamamayang Pilipino.
Hindi tayo pasisindak, ni hindi tayo papayag sa patuloy na harassment ng China sa West Philippine Sea – pagkat ang karagatang ito ay totoong atin, at kabuhayan nga ng libo-libong mangingisda,
Higit sa lahat, ito ay hindi lamang tungkol sa seguridad ng pagkain ng bansa, ito ay seguridad ng ating teritoryo sa karagatan at pagpapatibay ng ating karapatan sa WPS.
Natatandaan ko, nais ng Pangulo na maayos ang sigalot sa mapayapang usapan at diplomasya, at malinaw ang posisyon ng ating Republika, handa natin tindigan ang pag-angkin sa totoong atin, at malinaw rin ang suporta ng ating kaalyado, tulad ng US, ng ASEAN: titindig tayo sa ating karapatan.
Sa mga pag-aalipusta, hindi tayo matitinag. Hindi tayo susuko. Sa manlulupig, hindi tayo pasisiil, pagkat tulad ng ating pambansang awit, “Aming ligaya na pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa Iyo.”
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.