Advertisers

Advertisers

Beaver Magtalas at Bryce Nicolo Mercader, Binuhay ang Tradisyon ng mga Mangyan-Tadyawan sa Cinemalaya entry na ‘Kaka Sa Yawan’

0 2

Advertisers

By Anne Venancio

Mula sa matinding P-pop training hanggang sa pagbibida sa isa sa mga pinakaaabangang pelikula ng Cinemalaya 2026, unti-unti nang binubuo ni Beaver Magtalas ang kanyang pangalan bilang isa sa mga bagong artistang dapat abangan.

Matapos makilala sa romantic drama film na “When Magic Hurts” (2024), kung saan nakatambal niya si Mutya Orquia bilang si Ernest, isang binatang mahilig sa photography, muling gagampanan ni Beaver ang mas malaking hamon sa pelikulang “Kaka Sa Yawan (Brothers by the River)” kung saan bibigyang-buhay niya ang karakter ni Niko, isang binatang lumaki sa Maynila na muling babalik sa Mindoro upang tuparin ang isang pangakong iniwan niya sa kanyang matalik na kaibigang si Ayan, isang batang Tadyawan-Mangyan.

Sa panulat at direksyon ni Alpha Habon, kinunan ang Kaka Sa Yawan sa Sitio Gran Vida, Socorro, Oriental Mindoro upang maipakita ang tunay na kultura, tradisyon, at payak na pamumuhay ng komunidad ng Mangyan-Tadyawan.

Ayon kay Direk Alpha, tila naging isang camping experience ang buong production dahil napapalibutan sila ng napakagandang tanawin at sariwang kalikasan. Bukod sa pmagandang shooting location, naging pagkakataon din ito para mas makilala at maunawaan ng cast at crew ang mayamang kultura at mga tradisyon ng komunidad ng Mangyan.

Hindi rin ikinaila ng direktor na naging malaking challenge ang pre-production ng pelikula, lalo na sa pagproseso ng mga kinakailangang permit at koordinasyon sa iba’t ibang sektor pero tiniyak niyang naging hands-on ang buong production team sa bawat detalye ng proyekto. Malaki rin aniya ang naitulong ng maayos na pakikipag-ugnayan sa mga lider at miyembro ng mga tribu upang matiyak na makatotohanan ang paglalarawan ng kanilang kultura sa pelikula.

Aminado si Beaver na matagal na niyang pinangarap na maging bahagi ng Cinemalaya. Kaya naman kahit mahigpit ang kanyang iskedyul bilang P-pop trainee, hindi niya pinalampas ang pagkakataong gawin ang pelikula.

“Halos isang taon akong walang acting project dahil nakatutok ako sa training. Nang malaman ng management na Cinemalaya ito, pinayagan nila akong gawin ang pelikula. Tuwing Biyernes bumibiyahe ako papuntang Mindoro para mag-shooting at tuwing Linggo ng gabi bumabalik na ako sa Maynila para sa training,” kuwento niya.

Hindi lamang pag-arte ang naging baon ni Beaver mula sa “Kaka Sa Yawan.” Malaki rin ang naging impact sa kanya ng simpleng pamumuhay ng mga Mangyan-Tadyawan.

“Nagustuhan ko ‘yung attitude nila na ‘take only what’s enough.’ Napaka-peaceful nila at talagang in harmony with nature. Nakaka-refresh dahil puro buildings ang nakikita ko sa Maynila, pero doon puro bundok at puno,” kuwento ni Beaver sa panayam.

Nang tanungin ito tungkol sa pamumuhay ng mga Tadyawan-Mangyan, sinabi ni Beaver na bagama’t mahirap pa rin ang pag-akyat sa bundok, unti-unti na ring naaabot ng modernisasyon ang kanilang lugar.

“Actually, mahirap lang ang pag-akyat ng bundok. Pero ‘yung pamumuhay nila, kahit paano, medyo na-adapt na rin nila ang moderno. May kuryente at Wi-Fi na rin doon,” aniya.

Para naman kay Queenay Mercado, napakasarap sa pakiramdam na pansamantala siyang nakalayo sa magulong buhay sa lungsod noong nagso-shooting sila sa Mindoro.

“Actually, para akong nag-disconnect,” kwento ni Queenay.

Para naman kay Nikki Valdez, mas lalo niyang na-appreciate ang buhay matapos ang kanilang pananatili sa Mindoro. Aniya, nais niyang isabuhay ang healthy lifestyle ng mga Mangyan.

Dagdag pa ni Beaver, habang nasa Mindoro ay naalala niya ang kanyang probinsya sa Nueva Ecija, dahilan upang lalo niyang ma-appreciate ang tahimik at payapang buhay sa labas ng siyudad.

Isa sa mga pinakamahalagang mensaheng nais ihatid ng pelikula ay ang pagpapahalaga sa kultura ng mga katutubong Pilipino.

“Culture is something that we should never forget. Gusto naming ipakita na pare-pareho lang tayong mga Pilipino at mahalagang mapanatili ang ating kultura,” saad ng aktor.

Mas naging makatotohanan pa ang pelikula dahil ilan sa mga gumanap dito ay tunay na miyembro ng komunidad ng Mangyan-Tadyawan, kabilang ang batang aktor na napili sa isinagawang local audition sa Mindoro.

Makakasama ni Beaver sa pelikula ang child star na si Bryce Nicolo Mercader, na gaganap bilang batang Niko.

Bagama’t ito ang kanyang unang full-length feature film, may karanasan na si Bryce sa pagharap sa kamera matapos siyang magsimula sa showbiz sa edad na apat sa commercial na Bear Brand.

Bukod sa acting, hilig din ni Bryce ang pagkanta at pagsasayaw. Naging finalist din siya ng SM Little Stars 2024.

Inamin din ni Bryce na inspirasyon niya sa pagpasok sa showbiz si Coco Martin, kaya hindi niya pinalalampas na panoorin ang mga action series nito tulad ng “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Batang Quiapo,” at “Sigabo.”

Bukod sa pag-arte, ipinakita rin ni Bryce ang kanyang talento sa musika dahil mahusay din siyang mag-rap.

Proud naman ang executive producer na si Madam Ana Liza Aklan sa kanyang apo (Bryce) dahil sa ipinakitang husay at dedikasyon nito sa “Kaka Sa Yawan.”

Aniya, patuloy niyang susuportahan hindi lamang ang career ni Bryce kundi pati ang iba pang workshoppers ng Bryce Entertainment Production. Hangga’t patuloy na sinusuportahan ng publiko ang kanilang mga pelikula, mas lalo umano siyang gaganahang magprodyus ng mga proyektong may puso at makabuluhang kuwento.

Kasama rin sa powerhouse cast ng pelikulang “Kaka Sa Yawan” sina Nikki Valdez, Luis Alandy, Karl Medina, Queenay Mercado, Deanne Bautista, Dennis Dato, Noelle Polack, at Benedix Ramos, prodyus nina Anna Liza Aklan at Filipina Magtalas under Bryce Entertainment Production at IGMM Film Productions.

Bilang bahagi ng Cinemalaya 2026: Reel Reflections, mapapanood ang “Kaka Sa Yawan” mula Agosto 6 hanggang 18, 2026 sa Red Carpet Cinemas sa Shangri-La Plaza, Gateway Cineplex 18, Ayala Malls Manila Bay, UP Town Center, Circuit Makati, at Market! Market!.

Samantala, ibinahagi rin ni Beaver ang pangarap niyang makatrabaho balang araw ang actress-vlogger na si Ivana Alawi, na una niyang hinangaan noong nagsisimula pa lamang siya bilang Kumu streamer.

“Naalala ko noong nagsisimula pa lang ako bilang streamer. Ang first ever artist na nakita ko sa Kumu ay si Ate Ivana. Nag-drop pa siya ng gift sa akin noon. Sinubukan ko siyang i-hello, pero pagkatapos noon ay wala na siya. Kaya kung mabibigyan ako ng chance na makatrabaho siya someday, why not?” nakangiting pahayag ng aktor.