Advertisers
SINABI ng isang House prosecutor nitong Huwebes na patuloy na lumalakas ang ebidensya sa impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte habang sunod-sunod nang isinusumite sa Senado bilang impeachment court ang mga subpoenaed bank records at tax records, at inaasahan naring darating ang mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, lumalaki ang mga dokumentaryong ebidensyang magpapatibay sa kaso ng prosekusyon kaugnay ng hindi maipaliwanag na yaman at maling paggamit ng confidential funds ni Duterte.
“Lumiliit na ang mundo ng ating Pangalawang Pangulo,” ani Ridon, na siya ring chairman ng House Committee on Public Accounts, sa isang press briefing.
Inihayag niya na nagsimula nang dumating nitong Huwebes sa Senado ang mga subpoenaed bank records, habang isinumite narin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tax records ni Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at ng kanilang mga negosyo.
Ayon pa kay Ridon, hinihintay na lamang nila ang AMLC transaction reports na sumasaklaw sa kabuuang P6.7 bilyong transaksyon at P4.4 bilyong inflows na may kaugnayan sa mag-asawang Duterte-Carpio.
“Inaantay po namin ‘yung updates mula sa AMLC… hopefully within the day,” dagdag ni Ridon.
Nauna nang pinaboran ng Senate Impeachment Court ang kahilingan ng prosekusyon na ipa-subpoena ang bank records, tax documents at AMLC reports ni Duterte kaugnay ng artikulo ng impeachment na nagsasabing nagkamal siya ng hindi maipaliwanag na yaman.
Sinabi ni Ridon na matapos matukoy ang pag-withdraw ng confidential funds, ililipat na ngayon ng prosekusyon ang kanilang pagtutuon sa kung paano ginastos ang mga pondong ito.
Binigyang-diin niya ang testimonya nina dating Land Bank of the Philippines (LandBank) branch managers Violeta Constantino at Nenita Camposano noong Miyerkules, Hulyo 29, na nagsabing sa buong panahon ng kanilang panunungkulan sa bangko ay ngayon lamang sila nakakita ng ganoon kalaking halaga ng cash encashment.
“Ang sabi nila, in the entirety of their career, ngayon lang sila nakakita ng ganitong kalaking encashment ng pera. Kaya nga nila sinabi na ito ay unusual, ito ay kakaiba,” ani Ridon.
“As far as we’re concerned, ang itsura noon parang nilimas ‘yung pera para sa confidential funds,” dagdag pa ni Ridon.
Ayon kay Ridon, ang mga susunod na testigo mula sa Commission on Audit (COA) ang magpapaliwanag kung bakit naging paksa ng notices of disallowance ang ilang gastusin sa confidential funds ni Duterte.
Aniya, magbibigay ng testimonya ang mga auditor tungkol sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022 at 2023, kabilang ang P448 milyong notice of disallowance at ang pinal at executory na desisyon ng COA na nag-uutos kay Duterte na personal na isauli ang P73.287 milyon mula sa confidential funds noong 2022.
Idinagdag din ni Ridon na ang mga susunod na testigo mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Statistics Authority (PSA) ay magbibigay ng testimonya hinggil sa mga kuwestiyonableng acknowledgment receipts na isinumite bilang liquidation ng confidential funds.
“Malinaw, ang nakita natin mula sa COA document itself, ginamit ang confidential funds for non-confidential expenses, katulad ng leadership training at iba pa,” diin ni Ridon.