Advertisers
ARESTADO ang 51-anyos na ama na inakusahan ng paulit-ulit na panggagahasa at pagbuntis sa sarili ni-yang menor de edad na anak sa Santa Rosa City, Laguna.
Natunton ng mga operatiba ng Regional Intelligence Division-Calabarzon ang “manyakis” na ama sa Miagao, Iloilo nang makatanggap ng impormasyon tungkol sa kaniyang kinaroroonan. Nadakip ito sa baywalk sa Barangay Baybay Sur sa bisa ng warrant na inilabas ng Santa Rosa City Regional Trial Court Branch 101.
Sinabi ni Police Colonel Vicente Cabatingan, hepe ng RID-Calabarzon, na nagtago ang ama sa Mindanao at bihira lamang bumalik sa Iloilo. Nahaharap ito sa apat na bilang ng qualified rape at hindi pinayagang makapagpiyansa.
Ayon kay Brig. Gen. Dominic Baccay, acting regional director ng Calabarzon Police, apat na beses ginahasa ng ama ang kaniyang anak mula Mayo hanggang Agosto 2025, noong nasa 11 o 12 taon gulang pa lamang ito. Kalaunan nabuntis at na-nganak ang dalagita.
Matapos hindi matulungan ng kaniyang ina, nagsumbong ang biktima sa isang barangay midwife, na tumulong upang mai-report ang kaso sa mga awtoridad at sa City Social Welfare and Development Office.
Sinabi ni Baccay na bahagi ang pag-aresto sa pinaigting na kampanya ng regional police laban sa mga sex offender. Umabot sa 184 wanted sex offenders ang naaresto sa buong Calabarzon nitong Hulyo 2026.
Hinimok din niya ang mga biktima ng sexual abuse na magsumbong at humingi ng tulong.
Nananatili naman sa pangangalaga at proteksyon ng City Social Welfare and Development Office ang biktima at ang kaniyang anak.