Advertisers

Advertisers

DoJ kinasuhan ng perjury, cyberlibel si Baligod at 18 ‘maleta boys’

0 3

Advertisers

NAGHAIN uli ang Department of Justice (DOJ) ng mga kasong perjury at cyber libel laban sa 18 dating bodyguard ng puganteng dating mambabatas na si Zaldy Co at sa kanilang abogado na si Levito Baligod sa apat na Regional Trial Courts sa Metro Manila.
Sinabi ni DOJ spokesperson Polo Martinez na inihain nitong Martes ang mga Information sa mga RTC sa Caloocan, Las Piñas, Muntinlupa, at San Juan.
Nag-ugat ang mga kaso sa paggawa at pagpakalat ng isang joint sworn statement, gayundin sa mga kaugnay na press conference, panayam, social media posts, at iba pang online publication.
Nahaharap ang tinaguriang 18 “maleta boys” sa 10 magkakahiwalay na Information para sa anim na bilang ng cyber libel at apat na bilang ng perjury.
Isinama si Baligod bilang co-accused sa ilang Information. Magsasampa rin laban sa kaniya ng hiwalay na isang bilang ng cyber libel, habang ibinasura ang iba pang reklamo dahil sa kakulangan ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction.
Ayon sa DOJ, inaprubahan ang pagsasampa ng kaso matapos suriin ang mga ebidensyang isinumite ng mga panig sa preliminary investigation.(Jocelyn Domenden)