Advertisers
BINIGYANG-DIIN ng Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil na ang pinuno ng isang ahensya ng gobyerno ang may agarang (immediate) at pangunahing (primary) pananagutan sa lahat ng pampublikong pondo na nasa ilalim ng kanyang tanggapan.
Ito ang naging pahayag ni Wamil nitong Miyerkules sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Z. Duterte sa Senado.
Lumabas ang testimonya matapos tanungin ni Senator-Judge Risa Hontiveros kung sinu-sino ang maaaring managot sa paggamit at pangangasiwa ng pondo ng gobyerno.
Ayon kay Wamil, kabilang sa may pananagutan ang disbursing officer, accountant, treasurer, project officer, at ang pinuno ng ahensya.
Pagkatapos nito, tinukoy ni Hontiveros ang probisyon ng Government Auditing Code of the Philippines (Presidential Decree No. 1445).
“Tama po ba na sa ilalim ng Sections 101 at lalo na Section 102 ng batas na ito, ang head of agency ay primarily at immediately responsible sa pondo ng kanyang ahensya?” tanong ni Hontiveros.
“Opo,” tugon ni Wamil.
Nakasaad sa Section 101 ng PD 1445 na ang bawat opisyal ng gobyerno na may hawak o kustodiya ng pampublikong pondo ay mananagot sa wastong pag-iingat nito.
Samantala, malinaw sa Section 102 na ang pinuno ng ahensya ang agarang at pangunahing responsable sa lahat ng pondo at ari-arian ng pamahalaan na nasa ilalim ng kanyang tanggapan.
Nakasaad din sa batas na ang mga opisyal o empleyadong direktang humahawak ng naturang pondo ay agad na mananagot sa pinuno ng ahensya, ngunit hindi nito inaalis ang karapatan ng pamahalaan na papanagutin ang alinmang responsable.
Sa Section 103, sinasabi rin na ang anumang iligal na paggasta ay magiging personal na pananagutan ng opisyal o empleyadong mapapatunayang direktang responsable rito.
Nauna nang tumestigo si Wamil na kinilala niya ang mga lagda ni Vice President Duterte sa mga planning, disbursement, accomplishment, at liquidation documents kaugnay ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon sa auditor, ang mga lagdang ito ay nagsisilbing pag-apruba, sertipikasyon, o pagpapatunay ni Duterte sa nilalaman ng mga naturang dokumento.