Advertisers
SINABI ni Manila Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. nitong Linggo na mahirap nang pabulaanan ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang testimonya ng dating special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta, na nag-ugnay kay Duterte sa paglilipat ng P125 milyon na confidential funds.
“Mahirap nang baliin pa ’yung sinagot niya,” ani Abante, chairman ng House Committee on Human Rights at isa sa mga nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Duterte, sa isang panayam sa radyo.
Sa paglilitis sa Senado bilang impeachment court, sinabi ni Acosta na iniutos mismo ni Duterte na ibigay kay Colonel Raymund Dante Lachica, dating OVP security officer, ang P125 milyon na confidential funds matapos niyang i-withdraw ang pera ng Disyembre 2022.
“Unang-una, sinagot niya na ang nag-utos sa kanya na ibigay ang pera doon kay Lachica, walang iba kundi si Vice President,” giit ni Abante.
Ang P125 milyon ang unang bahagi ng kabuuang P500 milyong confidential funds ng OVP na inilabas mula Disyembre 2022 hanggang sa unang tatlong quarter ng 2023. Tatlo pang P125 milyong cash advance ang kalauna’y ini-withdraw ni Acosta noong 2023, na umabot sa P375 milyon.
Kasama ang P112.5 milyong confidential funds ng Department of Education, na inilabas sa tatlong tig-P37.5 milyong tranche sa unang tatlong quarter ng 2023. Umabot sa P612.5 milyon ang confidential funds na iniuugnay sa alegasyon ng maling paggamit sa unang impeachment article laban kay Duterte.
Ayon kay Abante, lalo pang pinatibay ng testimonya ni Acosta ang kanyang paniniwalang sapat na ang ebidensiyang iniharap ng House prosecution para mapatunayang dapat ma-convict si Duterte.
“Personally speaking, na-prove na ng prosecution team na talagang dapat ang Vice President ay ma-impeach,” ani Abante.
“So there’s nothing anymore to prove sapagkat na-prove na ng prosecution team,” dagdag niya.
Gayunman, ang pinal na desisyon kung dapat bang ma-convict o ma-acquit si Duterte ay nasa kamay ng mga senador-hukom matapos makumpleto ng prosecution at defense ang kani-kanilang presentasyon ng ebidensiya.
Si Acosta, na itinuturing ng prosecution na hostile witness, ay nananatili sa witness stand at magpapatuloy sa kanyang direct examination sa pagpapatuloy ng paglilitis ngayong Lunes, Agosto 24.
Aminado si Abante na tiyak na susubukan ng depensa ni Duterte na kuwestiyunin ang testimonya ni Acosta sa cross-examination.
Gayunman, aniya, magiging mahirap kontrahin ang pahayag nitong si Vice President mismo ang nag-utos na ilipat ang pera kay Lachica.
Ani Abante, isa sa mahahalagang tanong ay kung tama at naaayon sa batas ang ginawa ni Duterte bilang impeachable official at pinuno ng OVP na utusan ang paglilipat ng confidential funds kay Lachica, na hindi naman organic employee ng tanggapan.
“Ang pinag-uusapan diyan, proper ba ’yung ginawa niya? Tama ba ’yung ginawa niya?” tanong ni Abante.
“Iniutos ng Vice President kay disbursing officer na dapat ’yan ay ibigay kay Lachica, na hindi naman siya organic na empleyado ng OVP,” dagdag niya.
Hindi rin tinanggap ni Abante ang argumento ng depensa na walang bagong sinabi si Acosta dahil nauna na niyang isiniwalat ang naturang utos sa isang imbestigasyon ng Kamara.
“Maaaring hindi bago ’yan, pero sinabi niya uli ’yan,” ani Abante.
Ipinaliwanag niya na kailangang ulitin ni Acosta ang kanyang salaysay dahil iba ang konteksto ng kanyang naunang testimonya sa congressional investigation kumpara ngayon na direkta siyang humaharap sa impeachment court na siyang magpapasya sa kapalaran ni Duterte.
“Kailangan, sapagkat sa taong-bayan at sa akin, substantial ’yan na marinig mismo ng impeachment court na sinabi mismo ni Ms. Acosta na ang nag-utos sa kanya si Vice President,” pahayag ni Abante.
Bagama’t naniniwala siyang sapat na ang ebidensiyang iniharap ng prosecution, sinabi ni Abante na nananatiling hindi malinaw kung paano talaga ginamit ang confidential funds at kung sino ang aktuwal na tumanggap ng pera na nakasaad sa mga acknowledgement receipt.
“Paano ginamit ’yan? Eh hindi pa naman nasasagot ni Ms. Gina Acosta ’yung tinatawag na resibo, ano ba, ebidensya? Sino ba tumanggap?” tanong niya.
Kinuwestiyon din ni Abante ang mga pangalan ng sinasabing recipient na lumilitaw sa liquidation documents at hinamon ang kampo ni Duterte na ilabas ang mga ito.
“Sa akin, ’yung mga tumanggap niyan, ang pangalan Mary [Grace] Piattos, Andy Lim, eh ’yan ay mga ghost, mga multo ’yan,” ani Abante.
“Mas maganda kung ilabas nila ’yang taong ’yan. Kung sino man ’yang mga taong ’yan, sila na ang magsabi na totoo ’yung tinanggap nila itong bagay na ito,” dagdag niya.
Nauna nang inilatag ng House prosecution ang kaso nito kaugnay ng alegasyong pagbabanta ni Duterte kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa kanyang pamilya, habang nagpapatuloy naman ang presentasyon ng ebidensiya sa alegadong maling paggamit ng confidential funds.
Hindi pa tinatalakay ang natitirang mga impeachment article na may kaugnayan sa bribery at hindi maipaliwanag na yaman.