Advertisers
MAGPUPULONG ang mga senador ngayong Lunes, Agosto 24 upang pag-usapan ang posibleng pagbabago sa iskedyul ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa pagkaantala ng mga paglilitis dahil sa masamang panahon at sa nalalapit rin na deliberasyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Naantala ang paglilitis noong nakaraang Lunes matapos maagang suspindihin ang mga gawain, habang ipinagpaliban naman ang mga paglilitis noong Martes at Miyerkules dahil sa pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan dulot ng habagat.
Pahayag ni Sen. Erwin Tulfo, magpupulong ang majority at minority blocs upang magkaroon ng pinal na desisyon kung ililipat ba ang paglilitis sa hapon para magkaroon ng mas habang oras para rito.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, karamihan umano sa mga senator-judge mula sa majority bloc ay pabor na ilipat sa hapon simula Setyembre 1 ang impeachment trial.
Sa panukalang iskedyul, isasagawa ang regular na sesyon ng Senado mula 10 a.m. hanggang 2 p.m. tuwing Lunes hanggang Miyerkules, bago magsimula ang impeachment trial pagsapit ng 2:30 p.m at maaari aniya itong tumagal hanggang 7:30 p.m. o higit pa, depende sa pangangailangan ng paglilitis.
Ayon kay Lacson, mas praktikal ang ganitong setup dahil hindi na kailangang paikliin ang oras ng impeachment trial para bigyang-daan sesyon ng Senado.
Klinaro rin niya na hindi nakatakda sa eksaktong 7:30 p.m. ang pagtatapos ng paglilitis at maaari itong umabot hanggang 10 o 11 ng gabi kung kinakailangan. Gayunman, kailangan pa umano itong pagtibayin sa caucus ng mga senador, kung saan makokonsulta rin ang minority bloc.
Kung magkakaroon ng kasunduan, sinabi ni Lacson na maaaring pormal na ipahayag ang bagong iskedyul sa Miyerkules, Agosto 26, alinsunod sa nakasanayang pag-aanunsiyo ng iskedyul ng impeachment trial para sa susunod na linggo. Ngunit saa ngayon, mananatili muna aniya sa umaga ang impeachment trial sa susunod na linggo.
Sinabi rin ni Lacson na maaari nilang muling baguhin ang iskedyul kung may mahahalagang usaping pambatas na kailangang paglaanan ng oras.
Magugunita na nauna nang iminungkahi ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri ang paghahati ng oras sa pagitan ng regular na sesyon ng Senado sa umaga at impeachment trial sa hapon upang masulit ang oras ng mga senador para sa dalawang tungkulin.