Advertisers
NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado na ang malakas na pag-ulang dala ng southwest monsoon o Habagat ay maaaring magdulot ng volcanic mudflow o debris flow—na kilala sa na tawag na lahar—sa mga bulkang Pinatubo at Taal.
Sa isang abiso nitong 11:00 Linggo ng umaga, sinabi ng PHIVOLCS ang inaasahang epekto ng malakas na pag-ulang dulot ng Habagat sa kanluran at gitnang bahagi ng Luzon.
Kaugnay nito, mariing inirerekomenda ng PHIVOLCS ang pagiging mas mapagmatyag at paghahanda ng mga komunidad na nasa mga lugar na natukoy na may panganib sa lahar at iba pang kaugnay na panganib sa paligid ng mga bulkang ito.
Sinabi ng PHIVOLCS na ang matagal at malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng lahar sa mga pangunahing ilog na dumadaloy mula sa kanlurang bahagi ng Pinatubo, kung saan nananatili pa rin ang malalaking deposito ng materyales mula sa malakas na pagsabog nito noong 1991.
Ayon sa PHIVOLCS, maaaring magkaroon ng lahar sa itaas hanggang gitnang bahagi ng mga sistema ng ilog ng Sto. Tomas-Marella at Bucao. Maaari itong maging daloy ng maputik na tubig at pagbaha sa mga mabababang bahagi, na makaaapekto sa mga komunidad sa San Marcelino, San Narciso, San Felipe, at Botolan sa Zambales.
Samantala sinabi pa ng Phivolcs na maaari ring magkaroon ng daloy ng maputik na tubig sa mga sistema ng ilog ng O’Donnell at Pasig-Potrero na dumadaloy mula sa Pinatubo patungo sa hilaga at timog-silangan. Kung mangyari ito, maaaring maapektuhan ang mga komunidad sa ibabang bahagi ng mga ilog sa Tarlac at Pampanga, ayon sa PHIVOLCS.
Para naman sa Bulkang Taal, sinabi ng PHIVOLCS na maaaring magkaroon ng daloy ng maputik na tubig at runoff sa mga dalisdis sa kanluran ng Lawa ng Taal, kung saan ang mga natitirang manipis na deposito ng abo ay maaaring muling kumilos o maanod. Maaaring maulit ang mga ganitong insidente, ayon sa ahensya, sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas. (Boy Celario)