Advertisers

Advertisers

Rep. Ridon kay VP Sara: Tigilan ang drama at harapin ang kaso

0 4

Advertisers

HINIKAYAT ni House impeachment prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte na tigilan ang umano’y pagda-drama tungkol sa kanyang pangamba sa seguridad at sa halip ay harapin ang kasong grave threats laban sa kanya sa tamang proseso ng batas.

Ginawa ni Ridon ang pahayag matapos sabihin ni VP Sara na siya ay nangangamba para sa kaniyang kaligtasan at kung sino ang mananagot kung mangyaring masama sa kaniya.

Tugon ni Ridon sa tanong ni VP Sara, “Sinong mananagot? kayo po Madam Vice President.”

Giit ni Ridon, “Tama na po ang drama.” ani Ridon.

Sinabi ng mambabatas, kailangang managot at sumagot si Duterte sa mga alegasyong isinampa laban sa kanya.

Nagmula ang kaso sa mga pahayag ni VP Sara, na may inutusan na siyang isang tao na patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Naglabas ang Quezon City Regional Trial Court ng warrant of arrest laban kay VP Sara matapos makitaan na may probable cause sa tatlong counts ng grave threats. Itinakda ang piyansa sa P120,000 bawat kaso, o kabuuang P360,000.

Klinaro naman ni Ridon, na hiwalay ang criminal case sa impeachment trial ni Duterte sa Senado, bagama’t kabilang din sa mga alegasyon sa impeachment case ang umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Marcos, Araneta-Marcos at Romualdez.