Advertisers
TINIYAK ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio ang karagdagang insentibo para sa pambansang delegasyon na sasali sa paparating na 20th Asian Games Aichi-Nagoya 2026 at 5th Asian Para Games sa Japan.
Bukod sa pag-anunsyo na magbibigay sila ng karagdagang P6,000 na allowance para sa buong delegation, sinabi ni Gregorio na nangako rin ang government sports agency ng mga bonus kung mahigitana ng Team Philippines ang kanilang mga gintong medalya sa mga nakaraang edisyon. Sa 2022 Hangzhou edition, umuwi ang mga Pilipinong atleta na may apat na gintong medalya, samantalang nakakuha ng 10 gintong medalya ang mga pambansang para-atleta.
“Ako mismo ang makikiusap sa mga PSC commissioners, additional reward to the entire delegation,” wika ni Gregorio sa send-off party Huwebes Setyembre,10, sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
“Let us all beat the four gold medals (in the Asian Games). Let us win 10 more gold medals (in Asian Para Games). Let us achieve more and when you come back, you’ll have a very good Christmas,” dagdag nya.
Hinihikayat din ng Pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC) na si Abraham “Bambol” Tolentino ang mga atleta na maging mas matiyaga.
“Hindi ko kayo pine-pressure, pero itodo nyo na ang galing nyo. Ibigay nyo na lahat ng makakaya nyo,” wika ni Tolentino.
“Do not stop until you can give it all. This is to make our countrymen proud of you and make the Filipino people inspired,”dagdag ng Philippine Paralympic Committee President Michael “Mike” Barredo.
Samantala, inanunsyo ni Tolentino ang weightlifter Albert Ian Delos Santos at boksingera na si Aira Villegas bilang mga male at female flag-bearer ng bansa sa opening ceremony na nakatakdang ganapin sa Setyembre 19 sa Paloma Mizuho Stadium sa Nagoya.
Si Delos Santos, isang 19-anyos na tampok mula sa Lungsod ng Zamboanga, ay hawak ng junior world record sa men’s 71kg na itinakda niya sa IWF World Junior Championships sa Egypt, habang ang taga-Leyte na si Villegas ay isang bronze medalist sa 2024 Paris Olympics.