Advertisers

Advertisers

IMEE: Bawasan na ang excise tax at VAT sa diesel at gasolina

0 24

Advertisers

HINIKAYAT ni Senadora Imee Marcos ang gobyerno na bawasan ang VAT at excise tax sa diesel at gasolina, sa halip na LPG at kerosene lang ang sakop ng suspensyon ng excise tax sa ilalim ng Executive Order No. 125. Giit niya, dapat nang isama ang diesel at gasolina, kahit bahagyang bawas lang.

“Bawasan na ang excise tax at VAT ng gasolina at diesel, dahil yun naman ang higit na kailangan ng transport, magsasaka at mangingisda. Hindi sapat ang pagtanggal ng excise tax sa kerosene at LPG, sa taas ng mga presyo ngayon at hirap ng buhay,” sabi ni Marcos.

Ayon sa senadora, umabot sa $99.41 kada bariles ang average ng Dubai crude mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11, lampas sa $80 threshold ng R.A. No. 12316. Sa kabila ng rollback noong Setyembre 29, nananatili sa P95.17 hanggang P96.72 kada litro ang diesel at P88.78 hanggang P90.62 ang gasolina. Humihina rin ang piso, na nasa P62.62 na kada dolyar ngayong araw.



Tinatayang P12 bilyon kada buwan ang mawawala sa gobyerno kung tuluyang sususpindehin ang excise tax sa krudo. Kaya tatlong hakbang ang iminungkahi ni Marcos: partial reduction sa excise tax, pagbawas sa VAT, at targeted na fuel discount para sa maliliit na konsyumer, na may takdang litro kada buwan.

“Hindi naman kailangang tanggalin ang buong excise tax. Bawasan na natin ito para kahit papaano, gumaan ang gastos ng mga gumagamit nito sa hanapbuhay. Pati VAT, tingnan na rin natin. Habang tumataas ang presyo, tumataas din ang binabayarang VAT,” dagdag pa niya.



Giit ng senadora, dapat mapunta ang ginhawa sa maliliit na konsyumer, hindi sa malalaking kumpanya ng langis. Maaaring gumamit ng fuel card o voucher na may pangalan ng benepisyaryo, buwanang limit, at malinaw na diskwento sa resibo upang matiyak na mapupunta ang tulong sa mga tunay na nangangailangan.

“Pag mataas ang presyo ng diesel at gasolina, lalo pang lumiliit ‘yung kakarampot na kita. Ang hiling lang ng mga driver natin, konting tulong para mas malaki ang maiuwi nila sa pamilya,” dagdag ni Marcos. (Mylene Alfonso)