Advertisers
Ni Camille Guarin
Hindi pinalampas ng aktres na si Angelu De Leon ang pagkakataong ipahayag ang kanyang saloobin tungkol sa kalagayan ng mga katutubo.
Sa kanyang social media post, binigyang-diin ni Angelu ang tila pagkakasalungat ng pagmamalaki sa kultura ng mga katutubo at ang hindi pagpansin sa patuloy nilang pakikipaglaban para sa kanilang sariling lupain.
Aniya, “Ipinagmamalaki ang kanilang kultura, pero ipinaglalaban naman nila ang kanilang tahanan.
“Nakakalungkot isipin na ipinapakita sa buong mundo ang mayamang kultura ng mga katutubo natin sa mga bisita, ngunit sa kabilang banda, may mga katutubong patuloy na nakikipaglaban para sa kanilang lupang ninuno.
“Ipinagdiriwang ang kanilang kultura, ngunit tila hindi napapakinggan ang kanilang mga hinaing at pakikibaka.
“Hindi sapat na kilalanin, ipagmalaki at ipakita sa mundo ang kanilang tradisyon, kasuotan, sayaw at mga paniniwala. Dapat ding igalang ang kanilang mga karapatan, pakinggan ang kanilang boses at pangalagaan ang lupang matagal na nilang tinatawag na tahanan.
“Ang tunay na pagpapahalaga sa kultura ay hindi lamang sa pagpapakita nito sa mundo, kundi sa pagtatanggol sa mga taong bumubuhay at nagpapanatili nito.
“Dahil ang kultura ay hindi lamang isang palabas. Ito ay pagkakakilanlan, kasaysayan at karapatan.”
Well, big tumpak ka d’yan, Angelu. Ang tunay na pagpapahalaga sa kultura ay dapat nakikita rin sa paggalang sa karapatan ng mga katutubo.