Advertisers
ANG Police Quezon City na pumaslang sa isang lola Lunes ng gabi ay isa sa mga pulis na komondena noon sa kabarong pumatay sa mag-inang Sonia at Frank Gregorio sa Tarlac noong Disyembre 2020.
Sa social media post ni Police Master Hensie Zinampan, ang bumaril sa isang lola sa Barangay Greater Fairview, Quezon City, noong Disyembre 2020 ay kinondena niya ang ginawa ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25, sa Paniqui, Tarlac.
Sa nasabing post, tinawag ni Zinampan ang sarili na: “I am proud to be a good cop.”
Nakasaad din sa post na: “The sin of Nuesca is not the sin of the entire PNP.”
Pero limang buwan palang makalipas ang nasabing krimen, ginawa rin ni Zinampan ang nagawa ni Nuezca nang barilin niya nang malapitan sa leeg ang kapitbahay na si Lilibeth Valdez, 52 anyos na lola.
Tulad ng nangyari kay Nuezca, nahuli-cam din ang ginawang karumal-dumal ni Zinampan.
Tumanggi si Zinampan na magbigay ng pahayag sa media. Pero ayon sa Quezon City Police District (QCPD), labis ang pagsisisi nito sa kanyang ginawa.
“Sa kaniyang kwento, ‘yun nga nawalan siya ng pasensya. At ang dahilan noon ay ‘yung away sa mga kapitbahay lang, ‘yung mga asaran lang,” ayon kay Police Brigadier General Antonio Yarra, QCPD Director.
“At sabi ko nga sa inyo, initially, on May 1 this year, we filed a physical injury and a scandal case against the son of the victim,” dagdag niya.
Sinampahan ng QCPD ng reklamong murder si Zinampan.
Isinailalim din si Zinampan sa alcohol, drug test, at paraffin test.
Sinusuri narin ang rekord ni Zinampan kung may mga dati nang reklamo laban dito.
Pinag-aaralan din ng QCPD na sampahan ng child abuse si Zinampan dahil sa naging epekto sa menor de edad na nakasaksi sa ginawa niyang krimen.