Advertisers
AABOT sa P12.4 milyong halaga ng ayuda ang nakaantabay na para ipamahagi sa mga apektadong residente sa Laurel at Agoncillo at iba pang kalapit na munisipalidad sa Batangas matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal dahil sa phreatomagmatic bursts.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa naturang halaga, P1.4 milyong halaga ang nakalaan para sa food packs habang P11 milyon naman ang para sa non-food items.
Naka-heightened alert status na rin aniya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4-A.
Ani Roque, activated na ngayon ang Joint Task Force Taal ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command para tulungan ang operasyon ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang local government units.
Nakaalerto na rin aniya ang Philippine National Police sa sa Region 4a (CALABARZON) at nakikipag-ugnayan na sa mga residente.
Nag-deploy na rin ng mga sasakyan at tauhan ang Philippine Coast Guard (PCG) Logistics Systems Command para alalayan ang PCG District Southern Tagalog sa pagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster relief operations.
Sinabi ni Roque, mahigpit na mino-monitor ngayon ng Palasyo ang sitwasyon sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Umapela rin ang Palasyo sa mga residente na maging alerto at mag-ingat.