Advertisers
HINILING ni Senador Grace Poe sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na bigyan ang Senado ng written report ukol sa pagkilos at hamon na kinahaharap nito upang maialis ang Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force’s (FATF).
“We expect a substantial update from the AMLC on the concrete steps and direction we are taking to ensure progress on our compliance,” ayon kay Poe, chairperson ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies.
Sinabi ng AMLC na nagawa ng Kongreso ang tungkulin nito upang maresolbahan ang technical deficiencies ng batas sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act (AMLA), na inisponsor ni Poe.
Binigyang diin ng senadora na mahalaga ang AMLA reform sa pagbibigay proteksiyon sa kita ng overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay Poe, mahalaga ang remittance ng OFWs dahil ito ang nagpapalutang sa ekonomiya ng Pilipinas kahit sa gitna ng pandemya.
Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na umabot sa $9.9 bilyon ang naipadalang salapi ng Filipino migrant workers mula Enero hanggang Abril sa kasalukuyang taon o mas mataas ng 4.8% mula sa $9.4 bilyon remittance inflow noong katulad na panahon ng nakaraang taon.
Naunang isinama ng Paris-based anti-money laundering watchdog ang Pilipinas sa grey list o bansang pinaigting ang monitoring.
Aniya, kahit naisama ang Pilipinas sa listahan, hindi awtomatikong mahaharap ang bansa sa countermeasure. Ngunit dapat mahigpit na tumupad ang bansa sa kailangang reporma na binigyan ng takdang panahon upang maiwasan ang paghihigpit sa usaping pinansiyal.
Naunang nangako si BSP Governor Benjamin Diokno, chairperson ng AMLC, na makikipagtulungan ito sa FATF at Asia Pacific Group patungo sa napapanahong implementasyon ng mga action plan. (Mylene Alfonso)