Advertisers
ANIM na Returns Compliance System (RCS) na kaso ang umano’y nadiskubre na kinakaharap ng PisoPay sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ang PisoPay ay isa sa mga service provider na kinokontrata ng mga bangko at korporasyon upang makapag-online transaction ang kanilang mga kostumer para sa remittance at fund transfer.
Dahil dito, naging kuwestiyonable umano ang kanilang pananaw bilang “one of the most trusted fintech companies in the Philippines.”
Batay sa mga dokumento, hindi nakapag-file ng Income Tax Return (ITR) ang PisoPay sa mga taon 2018 at 2019.
Maliban dito, hindi rin umano nila naibigay ang kanilang Monthly Remittance Return on Income Taxes Withheld on Compensation (BIR Form No. 1601-C) para sa buwan ng Abril 2019 at mula Marso hanggang Mayo 2020.
Ayon sa isang opisyal ng BIR na tumanggi magpabanggit ng pangalan, “Posibleng ang nasabing kompanya ay kabilang din sa mga naapektuhan ng pandemya, subalit hindi ito puwedeng maging dahilan para hindi mag-file ng ITR sa loob ng dalawang taon dahil ito ay kanilang obligasyon.”
Dahil dito, nababahala ang ilang negosyo na may transaksiyon sa PisoPay bilang isang financial services company.
Ayon sa isang branch manager ng isang kilalang malaking bangko sa bansa, “Kailangang maging responsable ang PisoPay dahil obligasyon nila ang magsumite ng remittance sa BIR sapagkat direktang apektado nito ang kanilang kredibilidad bilang isang kompanya.
Sinubukang hingan ng reaksiyon ang PisoPay sa isyu sa telepono bilang (02)8.2428153 na may tanggapan sa Makati, batay sa kanilang website na https://pisopay.com.ph/aboutUs.php subalit nabigo ang mga miyembro ng media.