Advertisers
MULA sa “mosang” na tawag noon sa tsismosa, nanganak na ito nang nanganak ng pangalan na iniuugnay sa tsismis tulad ng “Marites” [Mare ano ang latest], “Marieta” [Mare eto pa], at iba pa. Ang mga lalaki, tinawag namang “Tolits” para sa “Tol, ano ang latest.”
Pero kamakailan lang, nag-viral ang isang video na sinasabing batikan sa pagiging “Marites” na umakyat at umupo pa sa hagdanan para makipag-tsikahan sa kapitbahay habang nakasilip sa bintana.
Natunton sa Mexico, Pampanga ang naturang “Marites” sa viral video, na ang tunay na pangalan pala ay Rowena Lagman.
Paliwanag niya, hindi siya nakikipag-tsismisan habang nakaupo sa hagdan dahil mga kapatid niya ang kausap niya sa bintana. Ang audio naman na madidinig sa video, ipinatong lang umano para maging kuwela ang kuwento.
Na-curious lang daw siya na bukas pa ang ilaw sa silid ng kaniyang mga kapatid na kapitbahay niya kaya naisipan na niyang kumustahin ang mga ito, lalo pa’t galing sa therapy ang isa sa kanila.
Hindi rin daw tsismis ang ikinakalat niya, kung hindi mga Salita ng Diyos bilang isang chapel pastoral council coordinator sa kanilang lugar.