Advertisers
MASUSING pinag-aaralan ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang posibilidad na maamyendahan ang termino ng mga barangay officials kasama na ang mga barangay kapitan.
Sa pahayag ni incoming Executive Secretary Vic Rodriguez, sinabi nito na noon pa mang senador si Marcos ay kabilang na ito sa kanyang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng limang taon na termino ang mga barangay officials at may term limit na tatlong magkakasunod na taon.
Gayunman inamin ni Rodriguez na masusi pa itong pinag-aaralan at wala pang pinal na desisyon lalo na at nangangahulugan ito ng gastusin sa halalan.
Binigyang-diin naman ni Atty. Rodriguez na ang pagbibigay sa mga barangay officials ng mas mahabang term of office ay magpapaibayo sa kanilang serbisyo at tuloy-tuloy na pamamahala kaysa sa puro na lamang postponement.
Kung matatandaan ang barangay at sangguniang kabataan elections ay naunang ipinagpaliban noong taong 2019 matapos na si President Rodrigo Duterte ay pinirmahan ang Republic Act 11462 para maging batas.
Layon din nito na maipagpatuloy ng mga barangay officials ang mga programa na naapektuhan dahil sa pagka-delay ng mga budget.