Advertisers
Natangay sa isang Jewelry Store ang nasa mahigit P1.4 milyon na halaga ng mga alahas nang masalisihan sa lungsod ng Naga.
Sa ulat ng Naga City Police Office, napag-alaman na habang inaasikaso ng saleslady ng nasabing tindahan ang isang customer ng sabay-sabay na pumasok ang dalawang babae at limang kalalakihan na nagpanggap na bibili ng alahas.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing habang tumitingin sa mga istante ang inakalang mga kustomer, lumapit sa saleslady ang isang lalaki na nakasuot ng pink na polo shirt at nagtanong patungkol sa pendants.
Nagpaalam naman ang lalaki na kukuha muna ng pera sa bangko, ngunit makalipas ang ilang minuto nang umalis ang suspek, dito na napansin ng saleslady na nawawala na ang ilan sa mga naka-display na alahas sa mga istante.
Samantala, matapos na maimbentaryo ng may sarili ng tindahan, napag-alaman na hindi bababa sa 80 piraso ng gold na mga singsing na mayroong iba’t-ibang carats ang natangay ng mga suspek at tinatayang aabot naman sa P1,495,690.00 ang kabuoang halaga nito.
Sa ngayon, pinag-aaralan na nang mga awtoridad ang mga naka-install na CCTV sa mga katabing bisinidad ng tindahan na posibleng nakahagip sa nasabing insidente.