Advertisers
ISINUSULONG ni Senador Raffy Tulfo na gumawa ng batas kungsaan kailangan hanapan ng identification card ang mga kababaihang ipinapasok ng mga lalaki sa mga motel o hotel.
Ginawa ni Tulfo ang suhestiyon sa pagdinig ng Senate committee on women, family relations, and gender equality tungkol sa teenage pregnancy matapos makatanggap ng reklamo na maraming minors ang dinadala ng mga lalaking mas matanda sa kanila sa mga motel at hotel.
“Maraming beses na po akong nakakakatangap ng reklamo na maraming minors ang dinadala sa motels at hotels na mga lalaking nakakatanda sa kanila, nire-rape pa because hindi hinahanapan ng ID yung mga pumapasok na kababaihan doon,” lahad ni Tulfo sa pagdinig ng komite.
“So dapat very strict tayo diyan at dapat may mga CCTV sa registration pa lamang ng mga motel at hotel,” dagdag pa niya.
Maliban diyan, iminungkahi rin ni Tulfo na dapat 400 metro ang layo ng mga motel at hotel sa mga eskuwelahan sa bansa.
“Dapat distance ng hotel dapat strictly observed. Hindi dapat malapit sa school. In fact, sa Maynila, 200 meters, so why not 400 meters away from school to make sure na hindi matutukso ang mga kabataan na tumakas at makipag-inuman….at kapag nalasing na may nangyayari na,” sambit pa ng senador.