Advertisers

Advertisers

Ivermectin, idaan muna sa clinical trials – WHO

0 412

Advertisers

IDAAN o gamitin muna sa clinical trials ang Ivermectin. Ito ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) upang matukoy kung epektibo nga talaga ito laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Socorro Escalante, coordinator for essential medicines and health technologies ng WHO Western Pacific, ang naturang mungkahi ay nag-ugat mula sa analysis ng available data sa Ivermectin.

“The evidence has shown that there is no direct effect or any mechanism of any antiviral action against SARS-CoV-2 that currently exists,” ani Escalanta, sa isang online press conference.



Ang SARS-CoV-2 ay ang virus na nagdudulot ng COVID-19.

Nauna rito, may ilang indibidwal, kabilang na ang mga mambabatas, ang nagsusulong ng paggamit ng Ivermectin bilang potensiyal na lunas laban sa COVID-19, kahit na ito’y hindi rehistrado para magamit sa tao.



Nag-alok pa kamakailan si Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor na mamamahagi ng naturang gamot ng libre sa mga pasyente sa Quezon City dahil nasubukan na aniya niya ang epekto nito.

Nagbabala naman ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na ang pamamahagi at paggamit ng mga hindi rehistradong gamot ay labag sa batas.



Mayroon na rin naman umanong aplikasyon para sa compassionate use ng Ivermectin na nakabinbin ngayon sa tanggapan ng FDA.

Samantala, sinabi naman ni Dr. Rontgene Solante, ang head ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine ng San Lazaro Hospital, ang naturang gamot ay maaaring ipagkaloob bilang off-label indication ngunit dapat aniyang imonitor ng mga doktor ang mga pasyente.

Nagbabala naman siya na dahil hindi ito aprubado ng FDA ay ilegal ito at magiging pananagutan ng mga doktor kung may hindi magandang mangyari sa pasyente.

Inihayag pa ng doktor na ang Ivermectin ay wala pang napapatunayang benepisyo sa mga COVID-19 patients.

Hindi rin naman inirerekomenda ni Solante ang pag-self-medicate ng mga COVID-19 patients na naka- home quarantine at sa halip ay dapat na lamang aniyang magpahinga ang mga ito, mag-isolate, kumain ng tamang pagkain at uminom ng maraming tubig.

Kung may ubo aniya ay maaaring uminom ng gamot sa ubo ang mga ito at kung may lagnat ay maaari namang uminom ng paracetamol.

Hindi rin umano nila ipinapayo ang pag-inom ng antibiotic sa mild COVID dahil posibleng magresulta naman ito sa drug resistance. (Andi Garcia)