Advertisers
INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kapulisan na arestuhin ang mga punong barangay na bigong pagbawalan ang mga nagaganap na mass gathering para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Inihayag ito ni Pangulong Duterte sa kaniyang talk to the nation nitong Miyerkules ng gabi sa ginanap na pulong kasama ang IATF.
Ayon kay Pangulong Duterte, isang pagpapabaya sa mga sinumpaang tungkulin ng punong barangay kapag hahayaan lamang magkaroon ng hawaan ng virus.
Hindi rin naitago ng pangulo ang kaniyang pagkadismaya na maraming mga punong barangay ang nagiging pabaya na hinahayaan lamang ang mga nagaganap na pagtitipon.
“Pakulong ko kayo, I will look for a suitable law because you are forcing my hand. Ayaw ninyo, pasaway, e. ‘Yan ang problema ko sa Filipino… Napipilitan ako. Magtrabaho kayo if you really are worth your status there. Kung ayaw ninyo, umalis kayo,” ani pa ng pangulo.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte, dadalhin ng mga kapulisan ang mga maaarestong barangay kapitan at iimbestigahan sa kanilang kapabayaan.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na warrantless arrest ang ipapatupad sa mga opisyal ng Barangay na nasa mismong mass gathering na nagsisilbing nagkakalat ng Covid-19 sa mga events. (Vanz Fernandez)