Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
ANG Prince of PopRock ng bansa na si Michael Laygo at singer/songwriter Gene Juanich ay maglalabas ng duet ng digital single na pinamagatang Puso Ko’y Laan, na komposisyon ni Gene mismo.
Ang Puso Ko’y Laan ay kabilang sa song tracks sa debut album ni Michael noong dekada 90, sa ilalim ng Alpha Music Corporation.
Si Michael ay isang batikang mang-aawit na miyembro ng sikat na TV show noon na Aawitan Kita at naging isa rin sa teen stars ng Starbrighters under Boy C. de Guia. Siya ang pinakabatang musical director ng show.
Si Michael din ang kumanta ng mga movie themesong noon na Gumapang Ka Sa Lusak, Ibabaon Kita Sa Lupa, Ang Lahat Ng Ito Pati Na Ang Langit, at marami pang iba. Siya ang nagpasikat ng Minahal Kita noong 1997 under Northern Sky Records na naging four times Platinum at ni-revive kalaunan ng Aegis at ni Mitoy Yonting.
Sa ngayon, si Michael ay nakabase na sa America at isang lead singer ng sikat na grupo sa Las Vegas na The Society of Seven.
Si Gene naman ay isang kilalang singer/songwriter sa Riyadh, Saudi Arabia. Siya ang unang OFW singer na napasama bilang isang certified artist member ng Performers Rights Society of the Philippines. Siya ang kumanta at nag-compose ng Magkano Ba Ang Pangarap na official themesong ng unang indie movie sa Riyadh na pinamagatang Visa Exit Re-entry. Siya ang kumanta at nag-compose ng Dahil Kapag Wala Ka na themesong ng isa pang indie movie sa Riyadh, titled Hiram.
Siya ay nakagawa na rin ng mga corporate jingles ng mga kilalang companies sa Saudi Arabia gaya ng Philippine Airlines (Saudi Arabia), Friendi Mobile at Fawri Money Transfer.
Noong 2018, ang Viva Records ay nag-release ng official soundtrack ng isang millennial movie na pinamagatang Spoken Words at dalawa sa soundtrack-Bakit Di Ko Nakita at May Nanalo Na Besh ay parehong kinanta at kinompose ni Gene.
Sina Michael at Gene, kahit magkalayo sa isa’t isa ay nananatili pa rin ang komunikasyon bilang matalik na magkaibigan. Si Michael ay nasa Las Vegas at si Gene naman ay nasa New York, dito nila naisip na i-revive ang awiting Puso Ko’y Laan. Pero sa pagkakataong ito, ang original singer na si Michael at composer na si Gene mismo ang kakanta sa revival nito na mula naman sa areglo ng batikang musical arranger na si Adonis Tabanda.
Ang duet digital single na Puso Ko’y Laan ay ire-release na ngayong June sa lahat ng digital music stores worldwide, gaya ng iTunes, Spotify, Amazon, Deezer at GooglePlay at mapapanood naman ang lyric video ng kanta sa YouTube.