Advertisers
HINAMON ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) kung talagang seryoso ito sa paglaban sa korapsyon at katiwalian.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Pangulo na tatakbo siya bilang Bise Presidente at siya na mismo ang magsasagawa ng audit sa Commission on Audit (COA), na naglabas ng report hinggil sa hindi tamang paggamit at kwestyunableng pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Robredo, dapat simulan ni Duterte sa kanyang sarili ang hakbang na wakasan ang korapsyon, at dapat nitong isapubliko ang SALN na 2018 pa hindi isinasapubliko.
Nabatid na 2017 pa huling isinapubliko ang SALN ng Pangulo na may declared asset na P28.5million.
Samantala, ipinagtanggol din ni Robredo ang state auditors na matapat na ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ipinaalala pa ni Robredo na hindi mandato ng Office of the Vice President na magsagawa ng audit at ito ay nakalaan lang sa COA na isang independent constitutional body.
Una nang naglabas ng report ang COA hinggil sa mga kwestyunable at nawawalang pondo ng ilang ahensya ng gobyerno, lalo na ang Department of Health (DOH). (Jonah Mallari)