Advertisers
NAUWI sa live stealing ang ginagawang live selling ng isang tindera ng mga sapatos at damit nang tangayin ng kawatan ang cellphone na ginamit sa streaming sa Caloocan City.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang kostumer na kunwaring bibili ng dalawang pares ng sapatos nitong Lunes.
Nang sandaling iyon, naka-live selling ang tindera habang inaasikaso ang lalaki na nagpahanap pa kunwari ng maayos na kahon para sa sapatos na nasa estante.
Nang magpunta ang tindera sa stock room, doon na tinangay ng lalaki ang cellphone at sabay alis habang patuloy ang streaming ng cellphone.
Kaya madidinig pa ang pakikipag-usap ng kawatan sa kaniyang kasabwat.
Ayon sa negosyanteng si Nica Mae Cacnio, isa sa mga nagreklamo, apat na taon na siya sa naturang negosyo pero ngayon lang niya naranasan ang naturang insidente.
“Pakiramdam ko hindi ko po alam kung maiinis ako or matatawa ako sa pangyayari kasi po hindi po niya alam doon sa live, so parang kitang-kita po ‘yung mukha niya. So parang natatawa nalang ako,” saad niya.
“‘Yung asawa ko naman po nagalit po pero natawa lang din po siya sa pangyayaring ganoon,” dagdag niya.
Ayon sa tindera na si Jonalyn Jimenez, nilito siya ng kawatan. “Ayun po, kinakausap niya po ako. Palitan daw ‘yung box hanggang sa ito naman ‘yung kinakausap niya. Ayun po, bigla nalang namin nalaman na wala na po ‘yung cellphone,” patuloy niya.
May kasabwat ang kawatan, at nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya.