Advertisers
Tinangkang tumakas sa National Bureau of Investigation Detention Center ang tatlong bilanggo na pinangungunahan ni Rolan “Kerwin” Espinosa.
Sinabi ni NBI OIC-Director Eric B. Distor na napigilan ng kanyang mga ahente ang pagtakas ni Espinosa at 2 pang bilanggo.
Pinuri naman nito ang kanyang bagong Chief at Executive Officer (ExO) ng Security Management Section (SMS) dahil napigilan ang planong pagtakas ni Espinosa mula sa kulungan ng NBI.
“As soon as they received the info, they immediately acted on it without delay”, sabi ni Distor
Napag-alaman na Enero 13 nang tangkaing tumakas ni Espinosa at dalawa pang bilanggo sa pamamagitan ng butas ng exhaust fan sa kisame.
Napansin ito ng ahente ng NBI nang nag-inspeksyon sa kulongan at makita na na-deformed ang exhaust fan kung saan may isang butas na akma para makatakas ang bilanggo .
“In view of this incident, security measures at the jail has since been tightened with regular inspection of all jail facilities”, giit ni Distor.
Noong nakaraang Disyembre 17, ibinasura ng isang korte sa Makati City ang drug case ni Espinosa dahil sa kakulangan ng sapat at matibay na ebidensiya.
Nananatili naman sa kulungan si Espinosa dahil may mga kahalintulad itong kasong kinahaharap sa mga korte sa Maynila at Leyte.(Jocelyn Domenden)