Advertisers
PINOSTPONE muli ng Commission on Elections (Comelec), na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC), ang nakatakda sanang proklamasyon ng mga nagwaging kandidato sa party-list race para sa 2022 national and local elections.
Sa sesyon noong Martes ng gabi, inanunsiyo ng Comelec, na ipagpapaliban ang proklamasyon sa mga party-list race winners, bunsod na rin nang nakabinbin pang resulta ng special elections sa Lanao del Sur na isasagawa sa Mayo 24.
Base na rin ito sa rekomendasyon ng supervisory committee ng NBOC na nagsabing ang resulta ng botohan sa Lanao del Sur ay makakaapekto pa sa pagtukoy ng mga winning party-list group at ng bilang ng puwestong dapat ipagkaloob sa mga ito.
“[It is recommended that] the proclamation for the winning partylist groups be done only after receipt of the results from the province of Lanao del Sur,” ayon sa supervisory committee.
Sa anunsiyo ni Comelec chairperson Saidamen Pangarungan, sinabi nitong sa sandaling matanggap na nila ang resulta ng naturang special election ay kaagad nilang ipagpapatuloy ang canvassing ng mga boto sa Mayo 25.
Una nang itinakda ng Comelec ang proklamasyon ng mga winning party-list groups ngayong Mayo 19, Huwebes, ngunit nagkaroon naman ng failure of elections sa Tubaran, Lanao del Sur.
Base sa tala ng Comelec, ang Tubaran ay mayroong 11,557 rehistradong botante para sa halalan.
Sa isinasagawang partial official canvassing ng NBOC, nananatiling nangunguna sa bilangan ang ACT-CIS at ang 1-Rider party-list groups. (Andi Garcia)