Advertisers
Sinibak sa trabaho ang anim na kawani ng lokal na pamahalaan ng Lapu-Lapu City nang magpositibo sa paggamit ng illegal na droga, Miyerkules sa lungsod ng Lapu-Lapu.
Ito ang kinumpirma ni Garry Lao, hepe ng City of Lapu-Lapu Office for Substance Abuse Prevention (CLOSAP) nang ipinalabas ng City Administrator’s Office ang memorandum sa pagtanggal ng 2 casuals at 4 na job orders.
Nagpositibo ang 6 na empleyado sa isinagawang drug test ng CLOSAP nitong June 1 at 9 para matiyak na drug-free environment ang city hall.
Sinabi ni Lao, na hinihintay na lamang ang confirmatory test ng mga empleyado para malaman ang level ng drug substance na ginamit ng mga ito.
Pinayuhan naman ni Lao ang mga empleyadong nagpositibo sa drug na sumailalim ng community based-drug rehabilitation program (CBDRP) para mabigyan pa sila ng panibagong pagkakataon na makapag-trabaho muli sa munisipyo.
Samantala, mayroon rin 2 tauhan ng Barangay Pajo ang nagpositibo sa isinagawang random drug testing noong June 7, 2022.
Ayon kay Lao ipapaubaya na lamang kay Barangay Captain Lyndel Bullos para sa parusang ipapataw sa dalawang tauhan nito.