Advertisers

Advertisers

KARIMLANG DALA NG KUPAD NI ERC CHAIR AGNES DEVANADERA

0 274

Advertisers

ASAHANG babalutin ng malawakang karimlan ang buong Occidental Mindoro sa mga susunod na buwan bunsod ng makupad na pagtugon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa pamumuno ni Atty. Agnes Devanadera na tumatayong chairman ng naturang tanggapan ng gobyerno.

Para sa militanteng kongresistang si Carlos Zarate ng Bayan Muna, walang kapatawaran ang kapalpakan ni Devanadera na sukdulang humantong sa kawalan ng supply ng kuryente sa 11 munisipalidad na sakop ng lalawigan ng Occidental Mindoro mula pa nitong nakalipas na araw ng Sabado.

Inihinto ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) ang pagsusupply ng kuryente sa Occidental Mindoro Power Cooperative (OMECO) na siyang naghahatid ng liwanag sa mga kabahayan sa nasabing lalawigan. Katwiran ng OMCPC, paso na ang kontratang nagbibigay pahintulot sa kanila para makapagsupply ng 20 megawatts sa OMECO.



Ang siste, hindi na rin pinagbigyan ni Devanadera ang hiling ng OMECO na palawigin pa ang kontrata, kasabay ng direktiba sa kooperatiba na kumuha na lang daw muna ng kuryente OMCPC na agad naman tumanggi. Ang dahilan, inulit lang – TAPOS NA ANG KONTRATA!

Susmaryosep… abogada ba talaga si Devanadera? Bilang isang abogada dapat alam niya ang mga kalakip na sirkumstansya sa pagtatapos ng isang kontrata. Bilang tagapamuno ng ERC, dapat prayoridad ni Devanadera ang tiyaking nasa ayos ang mga kontrata sa pagitan ng mga power producers at mga kooperatiba.



Gaano katagal ba ang kailangan ng ERC para rebisahin ang mga kontrata ng mga maliliit na power cooperatives? Isang buwan? Isang taon? O baka naman kailangan lang ng pabaon?

Sa isang banda, may mga pagkakataong maagap din naman ang ERC chairman, lalo pa’t malalaking kumpanyang tulad ng Meralco at Aboitiz Power ang malalagay sa alanganin.



Malinaw na sablay si Devanadera. Ang siste, tila puntirya niya pang umupong Kalihim ng Department of Energy (DOE) na para bang kinakitaan siya ng husay sa panahon ng kanyang panunungkulan sa ERC.

Sa nangyari sa Occidental Mindoro, hindi pwede ang sorry lang. Dapat panagutin si Devanadera na lubhang nagpabaya sa kanyang sinumpaang tungkuling kalakip ng pwesto sa gobyerno.