Advertisers
ITO ang maanghang na salitang binitawan ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief, General Gerald Bantag, laban kay Justice Secretary Crispin Remulla.
Sa live video ni Bantag na inilabas sa SMNI News, sinabi nito na ‘narco politics’ ang nasa likod ng paggiba sa kanya at nagtulong-tulong sina Remullaat BuCor OIC Gregorio Catapang sa pagdiin sa kanya sa kaso ng pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.
“Huwag mong sirain ang pangalan ng DOJ at NBI at gusto mo lang lumaki ang pangalan mo para sa 2025 elections”, sabi pa ni Bantag kay Remulla.
Nilinaw ni Bantag na hindi siya nagtatago dahil mismong si Remulla ang nagsabi na magbakasyon muna siya ng tatlong buwan. Bukod dito, wala rin aniyang ‘warrant of arrest’ laban sa kanya kaya walang dahilan na siya ay magtago.
Tinawanan lang din ni Bantag ang pahayag ni Remulla na ikinagalit umano niya ang pagkuha ni Lapid ng litrato at video sa kanyang bahay at mga sasakyan.
Inakusahan pa niya si Remulla na “protektor” ng dalawang druglords.
Sinilip din ni Bantag ang drug case ng anak ni Remulla, na dapat lang magbitiw ang kalihim.
Umapela rin si Bantag sa National Bureau of Investigation na huwag magpagamit kay Remulla.
Matagal narin umano siya nagsabi kay Remulla na magre-resign na subalit hindi siya pinayagan nito, dahil may balak pala na gibain muna siya.
Magugunitang sinampahan ng murder si Bantag at DSO Ricardo Zulueta kaugnay sa pagkamatay ni Lapid at ng middleman na si Jun Villamor. (Jonah Mallari)