Advertisers
CAGAYAN DE ORO CITY – Nasawi ang mag-ina nang salpukin ang sinasakyang motorsiklo ng humaharurot na sports car nitong Huwebes, Nobyembre 10, sa Upper Carmen.
Agad na nasawi ang ina na si Analie Mabaylo, 46; habang nalagutan ng hininga sa ospital ang anak na si Rodana Mabaylo Escobido, 16, kapwa residente sa Zone 1 Upper Balulang, Cagayan de Oro City.
Nakakulong nasa Traffic Unit Custodial facility ang driver ng nakabanggang Toyota sport car na kinilalang si Derek Louie Neri Angodung, 27, residente ng Uptown Area, Cagayan de Oro City.
Ayon kay Police Corporal Maximo Judaya Jr, Traffic Unit Investigator-Cagayan de Oro City Police Office, 5:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Masterson Avenue, Upper Carmen.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mag-ina ng motorsiklo na minamaneho ng batang Mabaylo para mamili sa palengke.
Bigla umanong umagaw ng linya si Angodung at inararo ang mag-ina, sanhi ng agaran kamatayan ng matandang Mabaylo.
Sinabi ni Judaya bukod sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide at damage to property, madadagdagan pa ang kasong kakaharapin ni Angodung dahil wala rin itong maipakitang driver’s license.