Advertisers
NAISAHAN ng isang Indian national ang riding-in-tandem na bumaril sa kanya nang magkunwari itong patay, at saka bumangon para ipagamot ang sarili sa Navotas City nitong Miyerkoles.
Nasa maayos nang kalagayan sa isang ospital ang biktimang si Kumar Sandeep, 35 anyos, pansamantalang naninirahan sa No. 4239 Diam St., Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City.
Sa salaysay sa pulisya ng testigong si John Andrei Arag, sakay siya ng kanyang pedicab at naghihintay ng pasahero sa kahabaan ng Lapu-Lapu St., kanto ng Dalagang Bukid, Navotas City nang pumarada sa kanyang tabi ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo na tila may inaabangan.
Makalipas ang ilang sandali, bumunot ng baril ang backrider nang dumating si Sandeep na sakay ng kanyang motorsiklo at pinutukan ito pagtapat sa kanilang sasakyan. Kaagad umalis ang mga salarin nang bumagsak ang biktima, na inakala nilang patay na.
Ayon kay Arag, nagulat siya nang bumangon ang biktima at sumakay sa kanyang motorsiklo kahit duguan at nagtungo sa ospital.
Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa tangkang pagpatay sa biktima.