Advertisers
NASUKOL ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) bike patrol ang limang kawatan na ang modus ‘Laglag Barya’ nang dumayo at umatake sa Maynila, Lunes ng umaga (Marso 27).
Pawang taga-Laguna ang mga naarestong na sina Harold Royola, 37 anyos; Ireneo Gonzales, 48, kapwa miyembro ng Sputnik Gang; Ian Manalang Gonzales, 28; Pepito Villanueva Jr, 50; at Renan Encarnacion, 36.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Taft Avenue, malapit sa kanto ng Pablo Ocampo St., Malate, Maynila.
Naging biktima ng mga ito ang isang seaman na si Ronbel Bajao at Marvin Rosales.
Sa imbestigasyon ng Malate Police Station 9, sakay ang mga biktima ng isang pampasaherong jeep na may biyaheng Quiapo-Baclaran kungsaan sumakay rin ang grupo katabi ng mga biktima sa bahagi ng Taft Avenue, Pedro Gil.
Pagsapit malapit sa kanto ng P. Ocampo, ang isang suspek na noo’y hawak ang kanilang pamasahe iniabot sa isa sa biktima at sinadyang ilaglag ang barya.
Nang pulutin ng isa sa biktima ang barya, pasimpleng kinuha ng mga suspek ang cellphone at wallet ng mga biktima sa kanilang mga bulsa.
Kasunod nito, sinabi ng mga suspek sa mga biktima na kinuha ng isang pasahero na kabababa lamang ang kanilang cellphone at wallet.
Ngunit duda ang mga biktima kaya nagpasaklolo ang mga ito sa Bike Patrol Unit na tiyempo namang nagsasagawa ng patrola sa lugar kaya naaresto ang limang kawatan.
Narekober sa mga kawatan ang wallet na may iba’t ibang mahahalagang ID at humigit-kumulang isang libong piso saka cellphone na nagkakahalaga ng P20,000.
Mahaharap sa kasong Theft Pickpocket (Laglag Barya) ang mga suspek sa Manila City Prosecutors Office.(Jocelyn Domenden)