Advertisers
KULONG ang isang bagitong pulis nang maaresto sa entrapment operation ng mga kabaro nang ireklamo ng ‘identity theft’ at ‘estafa’ sa isang money remittance sa kahabaan ng Rizal Street, Daraga, Albay.
Kinilala ang pulis na si Patrolman Gabriel Quinto Fillone, 30 anyos, ng Barangay Ilaya, Balud, Masbate, at kasapi ng Regional Mobile Force Battalion 5 sa loob ng Camp Gen. Simeon Ola.
Sa ulat, 5:15 ng hapon inilatag ng Daraga Police, PNP Regional Anti-Cybercrime Division at PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group ang entrapment operation laban kay Fillone sa reklamo ng isang hindi na pinangalanang 43-anyos na dalagang residente ng Brgy. Baranghawon, Tabaco City, Albay sa pag-demand ng pulis ng malaking halaga ng pera kasabay ng pananakot.
Hindi nakapalag ang pulis nang arestuhin ng mga nakakubling kabaro nang kunin nito ang ipinadalang P250,000 ng biktima sa isang money remittance.
Nabawi kay Fillone ang naturang halaga, withdrawal slip, at dinisarmahan din ito ng kanyang M16 Armalite Rifle at nakuha ang pekeng PRC ID.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10175 dahil sa identity theft, swindling o estafa, paglabag sa cybercrime crime prevention act at falsification of public documents si Pat. Fillone.