Advertisers
NATAGPUAN na walang buhay ang 32-anyos na overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.
Kinilala ang biktima na si Marjorette Garcia, isang domestic worker.
Hindi parin sigurado ang pamilya ni Garcia sa nangyari kay Marjorette.
“Hindi pa namin alam ngayon kung ano talaga ang kinamatay niya. Pero ang sabi nila, sinaksak daw siya. Hindi pa namin alam kung ano ang resulta,” ayon sa biyenan ng biktima.
Huling nakausap ni Marjorette ang kanyang pamilya Setyembre 15, 2023.
Humihingi ngayon ng tulong sa gobyerno ang pamilya ni Marjorette.
“Mapadali po [sana] ang pag-uwi ng labi niya, tapos yung sa hustisya niya po na nangyari sa kanya.
Hanggang ngayon, wala pang alam kung anong nangyari sa kanya. [Kung] bakit pinatay po,” ani Tito Garcia Jr., asawa ng biktima.
Aasikasuhin naman ng OWWA ang mga gastusin sa paglalakbay ng pamilya sa Metro Manila para iuwi ang bangkay ni Marjorette pagdating nito sa Pilipinas.