Advertisers
NAKAKITA na si Presidente “Bongbong” Marcos ng itatalagang kalihim ng Department of Agriculture, ang bilyonaryong si Francisco Tiu Laurel Jr., ayon sa website Bilyonaryo.com.
Naniniwala raw si Marcos na si Laurel, may-ari ng isa sa pinakamalaking fishing companies sa mundo na Frabelle, ay siyang kailangan niya para pamunuan ang DA matapos na hawakan niya ito ng higit isang taon na.
Si Laurel ay malapit na kaibigan ni Marcos at isa sa naging top donors (P30 million) noong 2022 election.
Una nang itinalaga ni Marcos si Laurel bilang miyembro ng Marcos’ Private Sector Advisory Council (PSAC), ang grupong pinamumunuan ng business tycoon na si Sabin Aboitiz.
Maliban sa Pilipinas, ang food empire ni Laurel ay umaabot sa iba’t ibang bansa tulad ng Vietnam, Indonesia, Singapore, China, Japan, South Africa, Papua New Guinea, at sa Solomon Islands.
Ang Frabelle, na sinimulan ng kanilang ama noong 1972, ay pangunahing supplier ng mga lokal na delatang tuna at nag-e-exports ng seafood products sa Africa, Europe, North America, Middle East, at Asia. Sangkot din ito sa processed meat business.
Si Laurel ay kasalukuyang presidente ng Agusan Power Corp. na nagbukas ng 24.9-megawatt Lake Mainit hydro power plant noong July kungsaan mismong si President Marcos ang guest of honor.