Advertisers
NAGLABAS ng direktiba ang Office of the President (OP) na nagpapahintulot ng work-from-home arrangement para sa mga kawani ng gobyerno at asynchronous na mga klase para sa mga pampublikong paaralan sa Martes, Oktubre 31.
Ayon sa Memorandum Circular No. 38 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Biyernes, Oktubre 27, binanggit na ginawa ang hakbang upang bigyan ang mga empleyado ng pamahalaan ng sapat na pagkakataon na gunitain ang undas o All Saints’ Day sa Nobyembre 1, 2023 at upang makapaglakbay sila mula at patungo sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Ngunit nilinaw ni Bersamin na ang mga ahensyang pampamahalaan na nasa hanay ng mga pangunahing serbisyo at kalusugan, kahandaan o pagresponde sa mga kalamidad at sakuna, at iba pang mahahalagang serbisyo ay magpapatuloy sa kanilang karaniwang operasyon at magbibigay ng kinakailangang serbisyo nang personal o face-to-face.
Ipinauubaya naman ng Malacañang sa pribadong sektor o kani-kanilang management ang desisyon kung magpapatupad din ng kaparehong work arrangement at pasok sa pribadong kompanya at paaralan. (Gilbert Perdez)