Advertisers

Advertisers

P10.645B budget ng OP para sa 2024 aprub na sa Senado

0 21

Advertisers

KINUWESTIYON ni Senate Minority leader Aquilino “Koko” Pimentel ang paghingi ng Office of the President (OP) ng P2.3 bilyon na intelligence fund para sa susunod na taon.

Sa plenary deliberation kaugnay sa panukalang 2024 budget ng OP na P10.645 bilyon, sinabi ni Pimentel na wala siyang problema bigyan ng confidential fund ang tanggapan ng Pangulo.

Subalit hindi umano makatuwiran at kuwestyunable ang legal basis ng intelligence fund para dito.



Ipinaliwanag pa ni Pimentel na hindi naman tagakalap ng intelligence ang OP kundi konsyumer ito ng intelligence information na kinalap ng mga ahensya na nasa ilalim nito.

Batay din umano sa joint circular ng Commission on Audit (COA) at iba’t ibang ahensiya ang intel fund ay para sa pagkalap ng intelligence information ng mga uniform at military personnel gayundin ng mga intelligence practitioners.



Wala umano sa nasabing kategorya ang OP dahil ito ay sibilyan, sa Estados Unidos umano na tinularan ng mga batas ng Pilipinas ay walang intel fund ang Pangulo at binibigyan lang siya ng intelligence information ng 16 na ahensiya.

Kaya giit ni Pimentel kung may legal basis naman ito ay dapat na makatuwiran ang halaga bilang konsiderasyon sa lumolobong utang ng bansa, kasabay na rin ng apela sa pangulo na isang Ilokano.



Tugon naman ni Finance Committee chairman Sonny Angara na nagdepensa sa budget ng OP, kailangan ng pangulo ng mahahalaga at hindi filtered na impormasyon bilang commander in chief dahil gumagawa siya ng mga crucial na desisyon.

Giit pa ni Angara na hindi naman humingi ang OP ng dagdag na Intel fund kundi tulad lang ng halaga na natanggap nila sa nakalipas na apat na taon at kailangan din i-report ang paggamit nito.

Bandang huli, inaprubahan din sa plenaryo ang panukalang budget ng OP matapos ang wala pang isang oras na deliberasyon kung saan si Pimentel lang ang nagtanong. (Mylene Alfonso)