Advertisers
INIIMBESTIGAHAN kung sangkot sa sindikato ng human trafficking ang isang airport employee na nakitang umeeskort sa tatlong pasaherong hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) nang tangkain umalis patungong Dubai noong Disyembre 22.
Ayon sa BI, naharang ng immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang tatlong pasahero na lilipad sana patungong Dubai, na nagpanggap pang magkaibigan mula sa General Santos City na nagbabakasyon.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nabuking na biktima ng human trafficking ang tatlo nang dumaan sa secondary inspection at hindi nila alam ang pangalan ng isa’t isa, at wala silang return ticket sa General Santos.
Ipinagtapat ng mga biktima na sila ay na-recruit bilang household service workers sa Dubai sa pamamagitan ng Facebook, at hindi nila alam ang kanilang transit arrangements.
Ibinunyag ni Tansingco na isang empleyado ng paliparan ang nakitang nag-escort sa mga biktima sa immigration counter.
Binigyang-diin ni Tansingco na ang mga airport immigration area ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga hindi awtorisadong tauhan, lalo na sa mga nagbibigay ng VIP treatment sa mga biktima ng trafficking.
Kaagad inihatid ang insidente sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT). (Jocelyn Domenden)