Advertisers
NASAWI ang isang dayuhan nang ang sinasakyan nitong kotse kasama ang dalawa pang kababayan ay nahulog sa malalim na bangin sa Sitio Tayong, Barangay Guibuangan, Barili, Cebu, Linggo ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Irina Akcehoba Aksenova, isang Russian national.
Malubha namang nasugatan ang dalawa pa na sina Arcehob Akssenov Georgii at si Iurii Sergeevich
Samminskii na siyang nagmamanaeho ng kotseng Toyota Vios (GAP 3874).
Napag-alaman na ang driver ay ilang buwan nang namamalagi sa Cebu.
Ayon sa report, inarkila ng driver ang kotse sa Lapu Lapu City at ipapasyal lamang ang dalawang kaibigan sa iba’t ibang lugar sa Cebu subalit’ nawalan ito ng kontrol sa sasakyan at gumewang patungo sa kabilang lane hanggang sa nahulog sa humigit kumulang 200 feet na lalim ng bangin.
Pataob na bumagsak ang kotse sa tabing dagat sa ilalim ng bangin. Dead on the spot ang biktima, samantalang isinugod sa Barili District Hospital ang driver at isa pang biktima na hanggang ngayon ay ginagamot pa.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Barili Police, nakainom ang driver ng kotse nang mangyari ang aksidente.