Advertisers
Nagnakaw ang isang lalaki mula sa Bacolod City, Negros Occidental ng isang bote ng cologne sa isang grocery store upang ipabango sa kaniyang sarili dahil ilang araw na raw siyang walang ligo.
Inihayag ng isang guwardiya sa naturang establisyemento na napansin niya ang pagnanakaw ng lalaki ng cologne kaya’t agad niya itong sinita. Pero bigla na lamang daw pumalag ang lalaki at ini-spray-han siya nito ng cologne sa mata.
“Tumakbo siya, hinabol ko siya. Sabi ko ‘isauli mo ‘yung ninakaw mo.’ Nandito siya ng iba’t ibang oras: ala-una, alas-dose, alas-dos, alas-tres. Tatlo sila,” kuwento ng guwardiya.
Matapos maaresto ang lalaki, inamin nito ang ginawa niyang pagnanakaw ng cologne.
Paliwanag niya, ilang araw na l siyang hindi naliligo kaya’t kinuha niya ang naturang cologne para i-spray sa kaniyang sarili.
Hindi umano ito ang unang beses na nagnakaw ang nasabing suspek sa mga establisyemento sa lugar.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga tindahan na maglagay ng mga CCTV camera, lalo na’t kasama naman daw ito sa pagkuha ng kanilang business permit.
Pinayuhan din ng pulisya ang mga empleyado o security guard ng mga establisyemento na agad sumaklolo sa pinakamalapit na police station kapag nangyari ang ganoong mga klase ng insidente.