Advertisers
Arestado ang salarin sa pagpatay sa isang ina at tatlo nitong menor de edad na anak sa bayan ng Josefina, Zamboanga del Sur, nitong Huwebes ng umaga matapos ang tatlong araw na hot pursuit operation ng pulisya.
Ayon kay Capt. Derf Jay Maquinta, information officer ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office, naaresto ang suspek na si Frankie Barcelona Camiguing, 23, sa Barangay Panaagan, bayan ng Mahayag, kung saan siya nakatira.
Nauna nang inatasan ni Col. Bonifacio Arañas Jr., ZSPPO director, ang mga ground unit na walang tigil na tugisin ang suspek, at sinabing “don’t stop until arrested.”
Si Camiguing ang live-in partner ni Arlene Dumalte, 42, isang barangay health worker na pinatay kasama ang tatlo niyang anak na sina Nashyl, 16, Grade 10 student; En-en, 14, Grade 8; at Arnel, 11, Grade 6 pupil.
Ayon sa pulisya, inamin ni Camiguing ang krimen na umano’y nagsimula sa mainitang pagtatalo nila ni Dumalte.
“He has acknowledged his involvement in the killings,” ani Maquinta, bagama’t sinabi ni-yang tumanggi si Camiguing na ipaliwanag kung bakit pinatay din nito ang tatlong bata.
Narekober din ng mga awtoridad ang mga cellphone ng mga biktima matapos umanong ibigay ito ng suspek sa kaniyang ina.
Lumabas din sa imbestiga-syon na may standing warrant of arrest si Camiguing na inisyu ng Regional Trial Court 9, Branch 23 sa Molave, Zamboanga del Sur, noong Mayo 26, 2025, kaugnay ng kasong qualified theft at theft.
Ayon sa pulisya, inihahanda na ang kasong four counts of murder laban kay Camiguing.
Isinailalim na sa autopsy examination ang apat na biktima, at inaasahang lalabas ang resulta sa loob ng 10 araw.
Tiniyak ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office na magpapatuloy ang imbestiga-syon at pananagutin ang suspek sa krimeng ikinagulat ng komunidad sa Barangay Litapan, Josefina, kung saan natuklasan ng mga awtoridad ang crime scene noong Lunes ng umaga, Hunyo 29. (Mark Obleada)